#HalalanAberya2019: Mga reklamo sa botohan, trending sa social media

Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Posted at May 13 2019 06:18 PM | Updated as of May 13 2019 06:51 PM

Idinulog sa social media ng mga netizen ang kani-kanilang mga aberyang naranasan sa pagboto sa mga polling center ngayong Lunes.

Kasama sa mga isyung ibinahagi ng mga netizen sa ilalim ng hashtag #HalalanAberya2019 ang mga isyung teknikal gaya ng mga palyadong vote counting machine (VCM).

Sinabi ng ilang netizen na ipinaiwan lamang sa kanila ang kanilang mga sinagutang balota dahil hindi gumagana ang mga VCM kaya hindi nila matiyak kung tugma ang kanilang boto sa mga vote receipt.

Mayroon ding mga nagsabing hindi tugma ang kanilang mga binoto sa lumabas sa kanilang resibo.

May netizen ding nagsabing hindi gumagana ang online precinct finder ng Commission on Elections.

Maaga rin daw isinara ang designated room para sa mga buntis, senior citizen at person with disability sa isang presinto gayong alas-6 ng gabi pa ang tapos ng botohan.

Maging ang pag-iwan ng mga botante ng sandamakmak na basura sa presinto ay inireklamo.

Mayroon ding mga iniulat na gulo sa pagitan ng mga tagasuporta ng mga magkatunggaling kandidato.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.