Halalan 2019: Pagsisimula ng botohan sinalubong ng iba't ibang aberya

ABS-CBN News

Posted at May 13 2019 10:40 AM

Nagsimula nang dumagsa sa iba't ibang presinto ang mga botante sa mga iba't ibang presinto sa bansa para iboto ang mga tingin nilang nararapat na maluklok sa halos 18,000 bakanteng lokal and national positions sa bansa.

Kaakibat ng botohan ang pagkakaroon ng iba't ibang aberya, gaya ng mga pagpalya ng mga vote counting machines at pagkaantala sa pagbukas ng mga presinto. 

Nagbatuhan ng bato ang ilang supporter ng mga mayoral candidates sa Bangued, Abra.

Magmula noong alas-7:30 ng umaga, hindi pa nagsisimula ang botohan sa Sagonsongan sa Marawi City, kung saan nakatakdang bumoto ang mga nawalan ng mga tirahan sa nangyaring gulo sa siyudad noong 2017. 

Nagresulta ito sa mga mahahabang pila, at pagkaramdam ng pagkairita lalo na sa mga maagang dumagsa. 

Nag-over heat ang VCM sa isa sa mga presinto sa Central Azucacera de Tarlac kaya itinutok ang electric fan dito.

Naantala nang 20 minuto ang pagboto sa Jose R. Torres Elementary School sa Bacolod City matapos magkaaberya ang kanilang voter registration verification machines at VCM. 

Nagkaroon naman ng paper jam sa Guadalupe Elementary School sa Cebu City, kung saan kinakailangan pang palitan ang VCM para mapasok ang mga balota. 

Sa Makati High School, hindi tinanggap ng isang VCM ang balota ng isang botante pero napag-alamang natupi ang balota kaya nangyari ang aberya. 

Gayundin ang nangyari kay dating bise-presidente Jejomar Binay, nailang beses na-reject ang kaniyang boto. 

Aaabot sa 61 milyon ang bilang ng mga rehistradong botante na nakatakdang bumoto ngayong eleksyon. 

-- May ulat nina Jeff Canoy, Michelle Soriano, Joanna Tacason, Jude Torres, at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.