'Bilang ng nagkaaberyang vote counting machines halos nag-triple'

ABS-CBN News

Posted at May 13 2019 06:22 PM | Updated as of May 13 2019 10:39 PM

Sinusuri ng election officer ang isang pumalyang vote-counting machine sa San Antonio High School sa Makati. Fernando G. Sepe Jr., ABS-CBN News

MAYNILA — Nag-triple ngayong 2019 midterm elections ang bilang ng mga pumalyang vote-counting machines (VCM) na tumatanggap sa balota ng mga botante, ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes, araw ng halalan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, tinatayang aabot sa 400 hanggang 600 sa 85,000 VCM ang pumalya, halos doble o triple sa 188 noong 2016 national elections. 

Mula umaga ng Lunes, naitala agad ang mga insidente ng maling paglalabas ng mga pangalan sa voting receipts, pag-overheat ng mga makina, at hindi pagbubukas ng mga VCM, na nagresulta sa mahabang pag-iintay ng mga botante. 

Inireklamo ng botanteng si Israel Tandoc ang umano'y pagkakamali sa ballot receipt na natanggap niya matapos bumoto. Sinabihan umano siya na dumulog sa Comelec, na ikinadismaya niya. 

"Sinabihan kami na pumunta raw kami ng Comelec, eh bakit kami ang pupunta? Sila ang pumunta sila ang nagkamali, mali ang lumabas dun sa receipt," ani Tandoc. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Naantala naman nang 20 minuto ang pagboto sa Jose R. Torres Elementary School sa Bacolod City matapos magkaaberya ang kanilang voter registration verification machines at VCM. 

Nagkaroon naman ng paper jam sa Guadalupe Elementary School sa Cebu City, kung saan kinakailangan pang palitan ang VCM para mapasok ang mga balota. 

Nasagip naman ang limang sundalo at dalawang tauhan ng Comelec nang lumubog ang sinasakyang motorbanca na maghahatid sana ng vote counting machine sa tatlong barangay sa Samar.

Kasamang lumubog ngunit agad ding narekober ang VCM na gagamitin sana sa mga barangay ng Darajuay, Majaba at Basiao sa Catbalogan.

Napalitan naman umano agad ng Comelec ang lumubog na VCM at natuloy din ang halalan sa naturang mga barangay.

Samantala, pumalya din ang ilang VCM sa Zamboanga at Tagum City sa Mindanao pero napalitan agad ang mga ito. 

MGA KANDIDATO, PERSONALIDAD APEKTADO RIN 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ito rin ang reklamo sa pagboto ng ilang politiko gaya ni dating vice president Jejomar Binay, na sumugod sa tanggapan ng Comelec para ireklamo na ilang beses na-reject ng VCM ang kaniyang balota. 

Ilang oras din ang inabot bago makaboto si incumbent Makati Mayor Abigail Binay nang hindi tanggapin ng VCM ang balota sa presinto kung saan siya nakatalaga. 

Inireklamo naman ng TV-host actress na si Karla Estrada na halos dalawang oras siyang nakapila sa kaniyang presinto sa barangay Pasong Tamo, Quezon City dahil hindi tinatanggap ng VCM ang kanilang balota.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasama rin ang reelectionist na si Grace Poe sa mga nabiting bumoto sa pagpalya ng VCM sa Sta. Lucia Elementary School sa San Juan. Umabot ng 2 oras bago siya nakapag-boto. 

Nahuli namang bumoto si Pasig mayoral bet Vico Sotto matapos pumapalya ang VCM ng kanilang presinto. 

Ani Comelec spokesperson James Jimenez, napalitan na daw ang mga nagkaaberya na mga VCM.

Iniimbestigahan na rin ng Comelec ang nangyaring mga pagpalya. 

"It is larger than what we saw in 2016, and therefore it is a bit surprising, and I understand how some people would feel that that is not the ideal situation because obviously it is not. So we will look into that," ani Jimenez. 

—Ulat nina RG Cruz, Jeff Hernaez, Jorge Cariño, Katrina Domingo, Annie Perez, Willard Cheng, at MJ Felipe, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.