ALAMIN: Mga dapat tandaan ng mga botante sa barangay, SK elections

ABS-CBN News

Posted at May 13 2018 08:23 PM | Updated as of May 13 2018 08:40 PM

Kasado na ang lahat para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Lunes, Mayo 14.

Para sa mga botante, narito ang ilang paalala:

Hindi tulad ng 2016 national at local elections, mano-mano ang botohan sa barangay at SK, at sulat-kamay ang pagtatala ng mga kandidatong napili ng isang botante.

Dalawang balota ang matatanggap ng mga botanteng edad 18 hanggang 30 dahil pareho silang boboto para sa barangay at SK.

Balota naman para sa SK lang ang matatanggap ng mga botanteng edad 15 hanggang 17, habang barangay ballot lang ang mabibigay sa may edad 31 pataas.

Mga iboboto sa Mayo 14 halalan:

• 1 punong barangay
• 7 Sangguniang Barangay members (Kagawad)
• 1 SK Chairperson
• 7 SK members 

Ipinaliwanag din ng Commission on Elections (Comelec) na petsang "October 2017" ang nakaimprenta sa mga balotang gagamitin sa Luzon at Visayas dahil ito ang mga balotang na-print bago pa maantala ang barangay at SK elections noong nakaraang taon.

Kabilang naman sa mga ipinagbabawal sa mismong araw ng halalan:
• Ang pangangampanya ng mga kandidato
• Pagbenta o pagbili ng boto
• Pagbenta ng mga merchandise o inumin sa layong 30 metro mula sa polling place
• Pamimigay o pagtanggap ng libreng sakay, pagkain, inumin at iba pang "things of value."
• Pagbebenta, pagbili, at pagsilbi ng alak
• Pagdaraos ng mga sugal na laro gaya ng sabong at horse race.
• Pag-substitute ng isang botante sa iba
• Bumoto ng higit isang beses
• Pagsira o pagtangay ng mga dokumentong may kinalaman sa halalan

Huling nagdaos ng halalan para sa barangay noong Oktubre 2013 habang Oktubre 2010 naman nangyari ang huling botohan sa SK.

Dalawang beses naantala ang halalan na sana ay gaganapin noon pang 2016. Ayon kasi kay Pangulong Rodrigo Duterte, malaking porsiyento ng mga opisyal ng barangay ang may koneksiyon sa kalakaran ng droga.

Unang nilagdaan ni Duterte ang Republic Act No. 10923 na naging dahilan sa pagliban sa halalang nakatakda sana noong 2016. Noong sumunod na taon, nilagdaan naman ang Republic Act 10952 na nag-reset naman sa halalan sa Mayo 2018 mula Oktubre 2017.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.