Kahina-hinalang bag sa bangketa, nagdulot ng takot sa Quiapo

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at May 13 2017 02:00 PM

Isang kahina-hinalang bag ang nagdulot ng pangamba sa mga residente ng Quiapo matapos ang dalawang magkasunod na pagsabog noong isang linggo. Zhander Cayabyab, DZMM

MANILA- Nagdulot ng pangamba sa mga residente ng Quiapo ang isang kahina-hinalang itim na bag na iniwan sa bangketa, malapit sa lugar kung saan nangyari ang dalawang magkasunod na pagsabog noong isang linggo.

Natagpuan ang bag nitong Sabado ng umaga sa isang bangketa sa Quezon Boulevard sa kanto ng Globo de Oro street.

Agad ipinarating ng ilang residente sa mga nagbabantay na Special Weapons And Tactics (SWAT) team ang tungkol sa bag. 

Ipinaamoy ito sa K9 dog subalit hindi nagresponde o umupo ang aso, senyales na wala itong laman na pampasabog.

Hinila patungo sa gitna ng kalsada ang bag malayo sa mga tao at mga gusali.

Nang buksan, pawang mga basura at personal na gamit ang laman nito tulad ng kubyertos, kumot at mga damit.

Hinihinalang naiwan ang bag ng isang pulubi. 

Makailang ulit nang nagkaroon ng ganitong pangyayari sa Quiapo matapos ang 2 pagsabog noong nakaraang linggo, ngunit pawang negatibo naman ang mga kahina-hinalang bag sa bomba.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.