Higit 100 magsasakang nagkampo sa Maynila, balik Davao na

ABS-CBN News

Posted at May 13 2017 01:56 PM

DAVAO CITY - Nakarating na sa Davao City Sabado ang 184 na magsasaka na nagsagawa ng 'kampohan' sa Maynila upang idaing ang umano'y pagkakait sa kanila ng lupa bilang benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program.

Kahit pagod, nakangiti pa rin sila nang sinalubong ng kanilang mga kasamahan sa Davao International Airport dahil nakikita nila ang pag-asa na makuha na ang lupain nang panigan sila ni Presidente Rodrigo Duterte. 

Personal na pinulong ni Duterte ang mga magsasaka sa Mendiola at pinakinggan ang kanilang hinaing laban sa Lapanday Foods Corporation, na umano'y nagmamatigas sa usaping pamamahagi ng lupa.

Dala ng mga magsasaka ang ipinabaon ni Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo na bigas, noodles at canned goods.

Mula airport, pumunta ang grupo sa opisina ng Lapanday sa Lanang, Davao City para magsagawa ng rally.

Pero walang opisina ang Lapanday ngayong araw sa lungsod.

Inihayag ng beneficiaries na sana's hindi na sila ipitin dahil si Pangulong Duterte na umano ang nagsabi na ibalik na ang lupa sa mga claimants.

Ang 184 Madaum Agrarian Reform Beneficiaries Incorporated ay claimants sa 145 hectares na lupain na may tanim na saging sa Barangay Madaum sa Tagum City, Davao del Norte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.