Basag-kotse, huli sa CCTV

ABS-CBN News

Posted at May 13 2017 09:27 PM

Huli sa CCTV ang pagbabasag ng bintana ng sasakyan ng isang lalaki sa isang parking lot sa Dasmariñas Cavite, Miyerkoles ng gabi.
 
Ninakaw ng lalaki ang mga bag sa loob na may lamang dalawang laptop at cellphone na aabot sa higit P100,000 ang halaga.
 
Tumakas ang suspek kasama ang kasabwat sakay ng motorsiklo.
 
Nasa kainan noon ang may-ari ng sasakyan kaya laking gulat nang makitang basag na ang salamin ng kanyang SUV. 
 
Wala ring gwardya noon para magbantay sa mga sasakyan. Pero ayon sa Dasmariñas PNP, nag-iikot sila tuwing gabi sa mga parking area ng business establishments.
 
Hindi kita sa CCTV ang mukha ng suspek. Kasalukuyan pang pinaghahanap ng mga pulis ang suspek at kasabwat nito.
 
Nagpaalala naman sila sa mga may-ari ng kainan na magtalaga ng security guard sa kanilang establisyimento bukod sa naka-install na mga CCTV.
 
-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.