6 na pwesto sa isang building, natupok sa sunog sa Caloocan

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at May 13 2017 10:11 AM | Updated as of May 13 2017 10:35 AM

Natupok ang anim na pwesto o stalls sa sunog na sumiklab sa isang building sa Sangandaan, Caloocan City Biyernes ng gabi.

Nabulabog ang tulog ng mga residente ng Sangandaan sa liyab ng apoy at amoy ng usok mula sa kalapit na gusali.

Sa mga video na kuha ng mga residente, makikita ang paglamon ng apoy sa ilang stall sa commercial establishment na pag-aari ni Joselito Lachica, alas-8:30 ng gabi.

Sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection Caloocan, nagsimula ang apoy sa isang salon sa gusali.

Wala pang isang oras nang ma-kontrol ang apoy dahil sa mabilis na pagresponde ng mga bumbero at fire volunteers.

Wala namang nasaktan sa sunog, pero marami ang nawalan ng trabaho dahil sa pagkakatupok sa nasa anim na stall.

Tinatayang nasa P500,000 ang halaga ng napinsalang ari-arian.

Muli namang nagpaalala ang BFP sa mga may-ari ng mga establisyemento na mag-ingat sa paggamit sa appliances para makaiwas sa sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.