PatrolPH

2 hepe, apat na iba pa na dawit sa 'tanim-droga', sibak sa puwesto

ABS-CBN News

Posted at May 13 2017 10:52 AM | Updated as of May 14 2017 01:48 AM

Anim na pulis, kabilang ang hepe ng dalawang bayan sa Pampanga, ang sinibak sa puwesto matapos humingi ng tulong ang ilang biktima umano ng tanim-droga sa lugar. 

Ayon kay S/Supt. Joel Consulta, provincial director ng Pampanga, sinibak na sa kani-kanilang mga posisyon ang mga sumusunod na pulis:

  • Supt. Juritz Rara, Mabalacat, Pampanga Chief of Police
  • Chief Insp. Sonia Alvarez, Bacolor Chief of Police 
  • Chief Insp. Philip John Pineda, pinuno ng Provincial Drug Enforcement Unit
  • Inspector Melvin Florida Jr., pinuno ng Mabalacat Police Drug Enforcement Unit 
  • PO2 Rethmel Santos 
  • PO2 Mark Zeson Dela Torre 

Ayon sa pulisya, nahuli si Wilgelmo Galura, isang empleyado ng provincial engineering office, sa isang buy-bust operation sa Barangay Sta. Ines, Bacolor noong Abril 26.

Ayon sa mga sangkot na pulis, tumakbo si Galura mula sa isang karinderya papunta sa kaniyang bahay at inihagis umano ang isang .45 kalibre na baril at isang pakete ng hinihinalang shabu habang tumatakas.

Subalit base sa kuha ng CCTV camera, wala ang enhinyero sa lugar nang mangyari ang nasabing operasyon.

Humingi na ng proteksyon mula sa gobyerno si Galura sa pangambang tambangan siya ng mga pulis na nawalan ng trabaho dahil sa kanyang kaso.

May ilan pang nagreklamo na naging biktima umano ng modus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.