2 batang nakasaksi sa Birheng Maria sa Fatima, santo na

ABS-CBN News

Posted at May 13 2017 06:43 PM | Updated as of May 13 2017 10:10 PM

Ganap nang naging santo sina Francisco at Jacinta Marto ng Fatima. 

Sina Francisco at Jacinta Marto ang dalawa sa tatlong batang sinasabing nakasaksi sa aparisyon ng Birheng Maria sa Fatima, 100 taon na ang nakalilipas.

Pinangunahan ni Pope Francis ang kanonisasyon, kasabay ng ginanap na misa sa Portugal. 

Kasama ng Santo Papa sa concelebrated mass ang aabot sa 100 pari at cardinal.

Malayo man sa Portugal, nakiisa pa rin ang iba't ibang parokya sa Pilipinas sa isinagawang canonization nina Francisco at Jacinta Marto.
 
Bukod sa National Shrine of Our Lady of Fatima sa Valenzuela, naghanda rin sa canonization ang mga deboto ng St. Andrew's Cathedral sa Paranaque.
 
Nakalagak dito ang replica ng Our Lady of Fatima na ibinigay mismo ni Sister Lucia, ang isa sa tatlong batang pinagpakitaan ng Birheng Maria. May relic din nina Francisco at Jacinta Marto na galing sa kanilang mga buto.
 
Ayon kay Bro. Toots Espiritu, Chairman of the Devotees of Nuestra Señora Del Buenceso, Patroness of City of Paranaque, malapit sa mga mananampalatayang Pinoy ang canonization at ang mensahe ng Our Lady of Fatima.
 
Panalangin ng mga deboto para sa Our Lady of Fatima ang laman ng kanilang bawat hiling at pasasalamat.

-- Ulat ni Rose Eclarinal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.