PatrolPH

Magkapatid na rebelde, sumuko sa Northern Samar

ABS-CBN News

Posted at May 12 2021 11:34 AM

Magkapatid na rebelde, sumuko sa Northern Samar 1
Sumuko sa Northern Samar Police Provincial Office ang magkapatid na rebelde. Kasama nilang isinuko din ang kanilang mga armas. Larawan mula sa Northern Samar Police Provincial Office

Nagbalik-loob sa gobyerno ang magkapatid na rebeldeng kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Northern Samar noong Lunes.

Ang magkapatid na sina Ka Ariel, 51-anyos, Ka Aries, 43, ay miyembro ng Front Guerilla Unit (FGU), Front Committee 1 (FC 1), sa ilalaim ng Sub-Regional Committee 1 (SRC 1) na kumikilos sa unang distrito ng Northern Samar. Sila ay sumuko sa Northern Samar Police Provincial Office.

Kasama sa kanilang pagsuko ang pag turnover sa isang Elisco M16 A1 rifle, isang kalibre .45 na baril, mga magazine, at 30 rounds ng mga bala.

Inamin umano ng magkapatid kay Colonel Arnel Apud, Provincial Director ng Northern Samar Police Provincial Office, na sangkot sila sa iba’t-ibang aktibidad gaya ng raids at ambush sa mga tropa ng pamahalaan.
 
Dagdag pa ni Ka Arnel na sangkot sila sa pang-aatake sa kampo ng Philippine Army sa Barangay Palanit at Salvacion sa bayan San Isidro noong 1991 kung saan nakuha noon ng kanilang grupo ang ibat-ibang mga armas.

Nasundan pa aniya ito ng extortion activities.

Napag-isipan ng magkapatid na iwan ang grupo para sa kapayapaan ng kanilang pamilya.

Nag-ugat ang kanilang pagsuko matapos ang isinagawang negosasyon ng 1st Northern Samar Provincial Mobile Force Company (1st NSPMFC) sa pamumuno ni Police Major Edwin Oloan.

Inaasahan pa ng Northern Samar Police Provincial Office na maraming mga dating rebelde ang magbabalik-loob sa gobyerno.

Ang magkapatid ay nasa kustodiya ng 1st NSPMFC at inaayos na ang mga dokumento para matanggap ng mga ito ang mga benepisyo sa ilalim ng Local Social Integration Program (LSIP) at Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng gobyerno.

- Ulat ni Ranulfo Docdocan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.