Aminado ang lokal na pamahalaan ng Caloocan City na malaking hamon para sa kanila ang pagpapanatili ng safety protocols sa pila ng mga pasahero sa EDSA Bus Carousel sa Monumento, lalo tuwing rush hour.
"Sinisita namin 'yong mga walang face mask and face shield... [Penalty sa] first offense is warning muna. Ang problema lang kasi, talagang maraming matitigas-ulo na mga Pilipino. Ayaw nila isuot, naiinitan daw sila," ani Bernie Manlpaig, officer in charge ng Caloocan Department of Public Safety and Traffic Management.
Ito ay matapos magsiksikan nitong umaga ng Miyerkoles ang mga pasahero sa EDSA Bus Carousel, kung saan karamihan ay sinasamantala ang libreng sakay na alok ng Department of Transportation.
Ayon sa ilang nakapanayam na pasahero, mahirap suotin lagi ang face shield dahil tirik ang araw.
May ibang pasahero naman umanong sinusuot lang ang face shield kapag sasakay ng bus at inaalis din kalaunan.
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad na sundin ang safety protocols para maiwasang makuha ang virus at gumastos kapag natiketan sa paglabag.
Nasa P1,000 ang multa sa unang beses na mahuling lumalabg sa safety protocols, P3,000 naman sa second offense, habang kulong nang isang buwan sa third offense.
Nag-umpisa noong nakaraang taon ang operasyon ng EDSA Busway o EDSA Carousel, na sinasakyan ng mga pasahero para mabaybay ang isa sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
— Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Caloocan, Monumento, EDSA Busway, EDSA Carousel, pasahero, transportasyon bus, free bus ride, Department of Transportation, health protocols, Headline Pilipinas, Teleradyo, COVID-19 health protocols, COVID-19 safety protocols