Community pantry organizers sa QC nakatanggap ng banta

ABS-CBN News

Posted at May 12 2021 06:00 PM | Updated as of May 12 2021 08:28 PM

Watch more in iWantTFC

Nangangamba ang organizers ng ilang community pantry sa Quezon City dahil sa mga natatanggap umano nilang pagbabanta.

Isa sa mga nakatanggap ng online threat si Rich Salas, organizer ng community pantry sa Krus na Ligas sa Quezon City.

Natatakot umano siya para sa seguridad ng mga babaeng volunteer nila.

"'Yong mga nagko-comment kasi sa mga post namin, nanghihingi ng names namin, 'yong names ng mga organization namin... sino-sino 'yong mga nagdo-donate sa akin, saan daw nanggagaling 'yong pondo ko, ano daw 'yong mga pinagkukunan ng expenses ko," ani Salas.

Hindi rin nakaligtas sa pagbabanta ang Claretian priest na si Fr. Educ Apungan, kura paroko ng Immaculate Heart of Mary Parish.

Nagsimula siyang makatanggap umano ng mga pagbabanta sa text matapos magkaroon ng koordinasyon ang Claret community pantry sa Maginhawa.

"It’s considered a threat kasi ang word doon is hindi lang siya isusumbong, 'yong word sa text is 'ipapatimbog kitang walanghiya ka'," ani Apungan.

"Puwedeng biro pero ang dulo delikado ang ganyang mga biro," aniya.

Kaya hinamon ni Apungan ang gobyerno na protektahan ang mga tao at hayaan ang mga community pantry na tumulong sa iba.

Kamakailan, naglabas din ng hinanakit si Ana Patricia Non, ang namuno ng kauna-unahang community pantry sa Maginhawa Street.

Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Non na hindi niya mapigilang maiyak sa pagod.

Bukod kasi sa paghahanap ng ligtas na lugar para sa isang organizer na pino-profile umano ng mga pulis, nakatatanggap din siya ng mga death at rape threat.

Wala din aniyang tigil ang pag-order ng pagkain gamit ang kaniyang phone number mula sa isang food delivery app.

Nagpasya rin si Non na hindi muna magpaunlak ng interview ngayong linggo.

Sa kabila naman ng mga pagbabanta, may pakiusap ang mga taong natutulungan sa mga community pantry.

"Bakit naman ho sila tatakutin, at least nakakatulong pa nga sila sa amin diba?" sabi ni Mayra Lomo.

"Sana po huwag na nilang ano 'yon ipagpatuloy dahil kami po’y talagang lalaban po kami doon," sabi naman ni Rasmo Pascual.

Sa ngayo'y wala pang balak magsampa ng reklamo sa pulis ang mga organizer.

Hinikayat naman ni Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar si Non na maghain ng reklamo. Nauna nang naisangkot si Non sa communist movement nang walang basehan. 

Tiniyak din ni Eleazar na handa ang PNP na bigyan si Non ng proteksiyon sa gitna ng mga natatanggap na banta.

Sa Biyernes ang unang "monthsary" ng pagkakatatag ng Maginhawa Community Pantry.

-- Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.