6 bus company sa Bicol inumpisahan ang limitadong biyahe papuntang NCR Plus

ABS-CBN News

Posted at May 12 2021 01:10 AM

Larawan mula kay Jonathan Magistrado

ALBAY—May biyahe na hanggang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang ilang provincial buses mula sa Tabaco City, na nag-umpisa noong Sabado, Mayo 8. 

Isa ang C. Bragais Liner sa 6 na bus company sa Tabaco na nakapag-comply sa requirements ng LTFRB. Ayon sa operator, binigyan sila ng quick response (QR) code bilang katibayan.

Ipinag-utos naman ng Tabaco local government na 2 bus lamang ang maaaring bumiyahe tuwing alas-5 ng hapon bawat araw, para limitado pa rin ang galaw ng mga tao papunta sa mga lugar na sakop ng Metro Manila, Laguna, Rizal, Bulacan, at Cavite o ang "NCR plus" bubble.

PANOORIN: Karagdagang ruta ng traditional jeepney, provincial buses bubuksan sa Metro Manila 

Watch more in iWantTFC

Nasa 50 porsyento lang din ang pinapayagang passenger capacity.

Mga pasaherong may essential travel sa Maynila lang daw ang maaaring sumakay at kailangang magpa-book 3 araw bago ang biyahe.

Nasa P800 hanggang P1,000 ang pamasahe, katulad pa rin noong wala pang pandemya.

“Actually maogma (masaya), kasi grabe for 1 year talaga grabeng losses sa negosyo mi (namin) ang nangyaring pandemic,” reaksyon ng bus operator na si Amelia Bragais.

Para hindi na raw muling maantala ang operasyon, mahigpit ngayong ipinasusunod ng mga bus company ang health and safety protocols sa mga tauhan at pasahero.

Bukod sa tinitiyak na COVID-free ang driver at konduktor, kailangang mag-presinta ng negative test result sa COVID-19 ang mga sasakay, kaya nagtayo ng antigen testing area ang lokal na pamahalaang Tabaco sa bus terminal.

Nagkakahalaga ang antigen test ng P600 sa naturang bus terminals. Nasa P950 naman ang antigen test sa PITX na isinasagawa ng Philippine Red Cross.

Bukod sa Tabaco, bukas na rin muli ang rutang Manila-Legazpi-Manila at Pio Duran-Manila-Pio Duran, pero wala pang bumibiyaheng mga bus hanggang ngayon.

Matatandaang nitong Abril, binuksan din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang 62 ruta ng traditional jeepney at 195 ruta ng provincial buses sa Metro Manila. 

— Ulat ni Jonathan Magistrado

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.