Publiko di dapat maging kampante sa 'pinaluwag' na quarantine: eksperto

ABS-CBN News

Posted at May 12 2020 05:27 PM | Updated as of May 12 2020 05:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagpaalala ang isang public health expert sa publiko na hindi sila dapat maging kampante sa harap ng nakaambang pagpapatupad ng mga pinaluwag na patakaran kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nitong Martes ay inanunsiyo ng pamahalaan na nakatakdang paluwagin ang mga pinaiiral na quarantine measures sa iba't ibang bahagi ng bansa. 

Sa panayam ng DZMM Teleradyo kay Dra. Susan Mercado, public health expert, sinabi nitong nananatiling "buhay" ang virus na nagdudulot ng COVID-19. 

"Ito pong mikrobyo na ito ay buhay pa 'yan at hindi pa 'yan nawawala sa balat ng lupa. This virus is still around and meron pa ring mga taong karga nila 'yung mga virus at wala silang sintomas," babala ni Mercado. 

Simula Mayo 16 hanggang Mayo 31, ipatutupad na ang "modified" enhanced community quarantine o mas pinaluwag na lockdown sa Metro Manila, Laguna, at Cebu City, ang mga itinuturing na "high-risk" sa COVID-19.

Ang ibang mga lugar naman ay isasailalim na lamang sa general community quarantine. May ilan ding wala nang ipatutupad na anumang uri ng community quarantine. 

Pero sabi ni Mercado, hindi ito dapat magbigay-daan sa panunumbalik sa dating kinagisnan na mga gawain. 

"Mahalagang magkaroon pa rin tayo ng pag-iingat. Huwag tayong manumbalik sa dati nating gawain na nakikipagsiksikan o hindi tayo naghuhugas ng kamay," aniya.

Payo niya, ang mas pinaluwag na quarantine measure ay dapat gamitin para sa mga gawaing nagpapalakas ng resistensiya.

"Itong panahon po na wala nang quarantine, gamitin po natin 'yan para makapaglakad-lakad tayo sa labas, makapag-jogging. Get a lot of fresh air and sunshine... Gamitin natin 'yung pagkakataon para palakasin natin ang ating kalusugan," anang eksperto.

"Kasi yung matagal tayong naka-quarantine hindi 'yun mabuti sa kalusugan. Kasi as human beings dapat nagmo-move around tayo," dagdag niya. 

Sa huling ulat ng Department of Health nitong Martes, nagtala na ang Pilipinas ng 11,350 positibo sa COVID-19, 751 dito ang nasawi at 2,106 naman ang nakarekober. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.