Online 'fish tiangge' inilunsad ng USAID para sa mga mangingisda ng Palawan, Visayas

ABS-CBN News

Posted at May 12 2020 12:51 PM

Ang "Fish Tiangge" ay isang online marketplace na layong i-ugnay ang 6,000 mangingisda sa mga aabot sa 300,000 kabahayan sa South Negros, Visayan Sea, at Calamian Group of Islands. Handout

MAYNILA - Naglunsad ng online platform ang United States Agency for International Development (USAID) para matulungang kumita ang mga mangingisdang Pilipino kahit may mga restriction dahil sa coronavirus pandemic. 

Ito ang "Fish Tiangge," isang online marketplace na layong i-ugnay ang ibinebentang fish supply ng 6,000 mangingisda direkta sa aabot sa 300,000 kabahayan sa South Negros, Visayan Sea sa Visayas region, at Calamianes Group of Islands sa Palawan, mga mahahalagang lugar para sa marine biodiversity, ayon sa USAID sa isang pahayag na inilabas ngayong Martes. 

Unang inilunsad ang online platform noong Abril ng Silliman University sa Dumaguete City. Layon ng platform na bigyang oportunidad ang mga mamimili na direktang makabili sa mga mangingisda. Mga pedicab driver ang nagsisilbing taga-deliver ng mga ito sa mga kabayahan. 

Sinisiguro ng mga tagabantay mula sa Silliman na ang isda ay galing sa mga nakarehistrong mangingisda sa kani-kanilang mga lugar, at walang ipinagbabawal na fish product ang maibebenta. 

"By connecting fishers and consumers online, the U.S. government is helping to protect fisherfolk income and prevent a food crisis, while ensuring that conservation measures are not compromised in areas that are hard-hit by COVID-19," ayon kay U.S. Ambassador Sung Kim. 

(Sa pag-ugnay sa mga mangingisda at ng mga mamimili, layong tulungan ng gobyerno ng Estados Unidos ang kita ng mga nasa industriya ng pangingisda at maiwasan ang krisis sa pagkain. At para matiyak na rin na hindi nalalagay sa alanganin ang conservation measures sa mga lugar na umaaray sa coronavirus.)

Para kay Silliman University President Ben Malayang III, layunin ng proyekto na mabigyan ng tuloy-tuloy na kita ang mga nasa industriya ng pangingisda kahit may krisis. 

“Enabling fisherfolk to secure their incomes in times of severe stresses is crucial to both their long-term well-being and their support for compliant, sustainable fisheries,” ani Malayang III. 

(Ang pagbibigay ng oportunidad para magkaroon ng matatag na kinikita ang mga nasa industriya ng pangingisda sa ganitong krisis ay importante para sa kanilang kapakanan at suporta nila sa legal at pangmatagalan na pangingisda.) 

May kasunduan din ang "Fish Tiangge" sa Kadiwa market ng gobyerno na layong ipaabot ang mga paninda sa mga bahay ng mga mamimili ngayong may banta ng coronavirus, kung saan nagpapatupad ng mga limitasyon sa pagbiyahe at oras ng pamimili sa mga palengke. 

"Thanks to USAID’s partnership with BFAR’s Kadiwa market system, these mobile fish markets are the start of a new, nationwide online supply chain of safe, legally-sourced seafood," anang USAID. 

(Dahil sa tulungan ng USAID at Kadiwa market system ng BFAR, ang mga mobile fish market ay umpisa ng isang bago at pambansang supply chain ng lamang-dagat na ligtas at hangong legal.)

Parte ang "Fish Tiangge" ng “Fish Right” program ng USAID, isang kasunduan na magtatagal nang 5 taon para matulungan ang fisherfolk industry sa South Negros, Calamianes Island Group, at Visayan Sea. 

Layon ng "Fish Right" na makaabot ng tulong sa 2 milyong katao na naninirahan sa mga nabanggit na komunidad. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.