PatrolPH

Lalaking sinita sa checkpoint sa Kabankalan City nanaksak ng pulis

ABS-CBN News

Posted at May 12 2020 02:44 PM

Lalaking sinita sa checkpoint sa Kabankalan City nanaksak ng pulis 1
Saksak ang inabot ng isang pulis matapos niyang sitahin ang lalaki sa checkpoint dahil sa pagdadala nito ng alak. Retrato mula sa Kabankalan police


KABANKALAN CITY — Sugatan ang isang pulis sa lungsod na ito noong Lunes ng umaga matapos siyang saksakin ng lalaking nasita sa checkpoint dahil sa pagdadala ng bote ng alak.

Sa ulat ng Kabankalan police, kinilala ang biktimang si Police Staff Sgt. John Perez na nakatalaga sa Barangay Talubangi border control checkpoint. 

May bitbit umano ang suspek na bote ng alak kaya sinita ito ni Perez.

Pero imbes na magpaliwanag ay binasag ng suspek ang bote at pinangsaksak ito sa biktima.

Agad dinala si Perez sa ospital na nagtamo ng sugat sa tiyan at iba pang bahagi ng katawan.

Nakatakdang sampahan ng kasong frustrated homicide ang suspek na ngayon ay nasa kustodiya ng Kabankalan police. 

Ipinakalat ang mga checkpoint upang makontrol ang galaw ng mga tao habang umiiral ang community quarantine kontra COVID-19. 


—Ulat ni Marty Go, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.