Korte Suprema: Mahigit 14,000 preso, napalaya sa pamamagitan ng online hearings

ABS-CBN News

Posted at May 12 2020 11:07 PM | Updated as of May 12 2020 11:58 PM

MAYNILA - Mahigit 14,000 persons deprived of liberty (PDL) sa bansa ang napalaya mula sa kulungan sa kasagsagan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa pamamagitan ng video-conferencing hearings, ayon sa Korte Suprema.

Malaki ang naitulong ng online hearing para madinig ang mga nabinbing pagpapalaya sa ilang mga PDL.

Sa ulat ng Office of the Clerk of Court ng Korte Suprema, mula Abril 30 hanggang Mayo 8 ay umabot sa 4,683 na mga PDL ang nakalaya na mula sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology, provincial jails, at sa mga lock-up cell at custodial centers ng Philippine National Police (PNP).

Mas napabilis ang pag-release sa nakalipas na linggo dahil sa mga isinagawang video-conferencing hearings, kumpara sa naunang unang anim na linggo ng enhanced community quarantine o mula March 17 hanggang April 29 na may kabuuang 9,731 na PDL ang napalaya.

Ayon kay Chief Justice Diosdado Peralta, malaking ang naitulong ng paggamit ng teknolohiya para mapahusay ang pagbibigay ng hustisya sa mga panahong tulad nitong mahigpit na ipinagbabawal ang umpukan ng mga tao sa iisang lugar.

Kailangan lang aniyang masunod ang tamang cyber hygiene sa mga online court proceedings para hindi mapasok ng virus ang database ng mga korte.

- ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.