PatrolPH

Imbes na sapatos: Mga sapatero sa Marikina gumagawa ng mga PPE para lockdown mairaos

ABS-CBN News

Posted at May 12 2020 06:11 PM | Updated as of May 12 2020 06:52 PM

Imbes na sapatos: Mga sapatero sa Marikina gumagawa ng mga PPE para lockdown mairaos 1
Ngayong pansamantalang tumigil ang industriya ng sapatos sa Marikina dahil sa lockdown, abala ngayon ang mga sapatero sa paggawa ng mga personal protective equipment (PPE) ngayong may banta ng coronavirus disease 2019. ABS-CBN News

MAYNILA - Ngayong pansamantalang tumigil ang industriya ng sapatos sa Marikina dahil sa lockdown, abala ngayon ang mga sapatero sa paggawa ng mga personal protective equipment (PPE) panlaban sa coronavirus disease 2019. 

Isa rito ang Roweliza Bags and Shoes sa Marikina City, na nagtatahi ng PPE suits. 

Ang disenyo ng kanilang suits, mula sa open-source na disenyo ng Office of the Vice President. 

Watch more on iWantTFC

Gumagawa rin ng face shield na may mask ang may-ari nilang si Rowie Landicho. 

Ngayong natigil ang pagbebenta nila ng sapatos, umaasa silang unti-unting makakabangon ang industriya nilang tinamaan ng lockdown sa paggawa ng PPE. 

"Siguro unti-unti pero nakikita namin maraming demand sa PPE ngayon kasi ito na ang magiging new normal marami rin ang nag-iinquire, naghahanap at gustong bumili," ani Landicho. 

Dahil sa paglipat ng kanilang operasyon sa paggawa ng personal protective equipment, unti-unti na umanong naibalik ang pinagkakakitaan ng kanilang trabahador. 

"Ok na rin kahit hindi kamukha nung regular ok na rin. Mahalaga kumikita kami,” ayon sa sapatero na si Ben Dizon. 

Mahigit 5,000 sapatero ang nakatanggap ng ayudang P1,000 at bigas mula sa lokal na pamahalaan ng Marikina. 

Ang iba sa kanila, nakatanggap din ng P8,000 cash aid mula sa social amelioration program ng gobyerno. 

"Siyempre malaki ang epekto, bale ang nakatulong lang sa amin mga naatatanggap na relief goods galing sa LGU pati ang mga nakukuha naming SAP," ayon sa pattern maker na si Albert Lorenzo. 

Tutok naman ngayon ang "Zapateria Hub," isang grupo ng designer sa Marikina sa paggawa ng non-medical grade na mask lalo na’t magagamit pa ito kahit ilagay sa “new normal” ang ilang lugar sa bansa. 

"It’s a statement of saying alam natin kahit nasa krisis tayo hindi natin makakalimutan ang craftsmanship natin at gayundin ang pag-adapt natin sa panahong ito," ani Unx Sta. Ana, co-founder ng grupo. 

Umaasa ang mga sapatero na matatapos ang krisis sa COVID-19 at makakabalik sila sa nakagawiang paggawa ng sapatos at iba pang leather craft.  — Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.