PatrolPH

Ilang mangangalakal sa Tondo nabubuhay na lang sa pamamalimos

ABS-CBN News

Posted at May 12 2020 06:14 PM | Updated as of May 12 2020 06:55 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Namamalimos na ang ilang mga mangangalakal sa Tondo dahil sa patuloy na pagsasara ng mga negosyong pinagkukunan nila noon ng mga basurang pinagkakakitaan.

Isa sa mga komunidad na apektado nito ang Barangay 105 o tinaguriang "Happyland," kung saan pangangalakal sa basura ang pinagkakakitaan ng mga residente. 

Pero dahil sa enhanced community quarantine na ipinatutupad kontra pagkalat ng COVID-19, marami sa kanila ang namamalimos na lang muna para magkapera. 

"Sarado na po kasi 'yung mga junkshop... Dati kumikita kami P100... Ngayon wala na. Konting pera lang, para lang may makain kami,: ani Alberto Luis, dating magbobote. 

Si Alona Barsoquillo, isinasalba ang mga lumang sibuyas at tinatapyas lang ang mga parteng bulok para maibenta at makain.

"Itatapon na daw kasi nila ito dahil malapit na 'tong mabulok. Bukas daw bulok na. Binigay na lang nila sa amin. Ayan binebenta ko ngayon P10 isang balot. 

Hindi na rin malaman ni Vivian Ares kung paano sila nahantong sa sitwasyong ito na kahit isang piraso ng tuyo ay kailangang patagalin para may makain pa kalaunan.

"Gutom ako, gutom ang anak ko," aniya. 

Nitong Martes ay inanunsiyo ng pamahalaan na nakatakdang paluwagin ang mga pinaiiral na quarantine measures sa iba't ibang bahagi ng bansa. 

Simula Mayo 16 hanggang Mayo 31, ipatutupad na ang "modified" enhanced community quarantine o mas pinaluwag na lockdown sa Metro Manila, Laguna, at Cebu City, ang mga itinuturing na "high-risk" sa COVID-19.

Sa huling ulat ng Department of Health nitong Martes, nagtala na ang Pilipinas ng 11,350 positibo sa COVID-19, 751 dito ang nasawi at 2,106 naman ang nakarekober. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.