Dipolog City — Isang kumpanya ng bus sa Dipolog City ang nagsimulang bumiyahe ulit matapos magsuspinde ng kanilang operasyon dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Joyce Hibaya, terminal manager ng Dipolog City Land Transport Terminal nasa 10 bus ang bumiyahe papunta ng boundary sa bayan ng Kalawit, Zamboanga del Norte.
Nitong Mayo 1 sana bibiyaheng muli ang bus pero pansamantalang tumigil.
“May 10 bus ang bumabiyahe ngayon pero rural lang, wala pang Super 5 kasi lugi sila within Zamboanga del Norte pa kasi ang biyahe. ‘Yong Rural Dipolog to Gatas lang ang biyahe walang first district,” ani Hibaya.
May biyahe na rin sa Misamis Occidental galing Ozamiz City patungong mga boundary sa bayan ng Sapangdalaga at Bonifacio.
Alinsunod ito sa ipinalabas na permit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saang ruta lamang sila pwedeng bumiyahe.
“May anim na po tayo na bus na pinabyahe sa Misamis Occidental sa pakiusap ni Gov. Philip Tan, may special permit tayo Ozamiz to Sapangdalaga at Ozamiz to Bonifacio kasi may guidelines tayo na ipinalabas ng LTFRB special permit para sa mga specific routes lang,” ani Delmark Carangan, administrative officer ng RTMI-Dipolog Branch.
Simula alas-5:30 ng umaga hanggang alas-5:30 ng hapon lang ang biyahe ng bus at mananatili muna ang ganitong schedule hangga’t wala pang panibagong ipapalabas na abiso ang LTFRB sa mga kumpanya ng bus.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.