PatrolPH

COVID-19 testing sa 2 Mandaluyong barangay na na-lockdown puspusan

ABS-CBN News

Posted at May 12 2020 01:36 PM | Updated as of May 12 2020 07:16 PM

COVID-19 testing sa 2 Mandaluyong barangay na na-lockdown puspusan 1
Nagsasagawa ng rapid testing sa Barangay Addition Hills sa Mandaluyong noong Mayo 7. Naka-lockdown ang barangay hanggang Mayo 13 para makontrol ang pagkalat ng COVID-19 sa lugar. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) — Puspusan ang pagsasagawa ng testing para sa coronavirus disease (COVID-19) sa mga residente ng 2 barangay sa Mandaluyong na naka-lockdown, ayon sa lokal na opisyal.

Sisikaping tapusin ang rapid testing sa mga residente ng 2 barangay bago matapos ang lockdown dito sa Miyerkoles, Mayo 13, ayon kay Jimmy Isidro, tagapagsalita ng city government.

Sa Barangay Addition Hills, na naka-lockdown mula noong Mayo 7, nasa 500 na ang nagpositibo sa rapid testing habang 500 pa ang kailangang i-test.

Sa Barangay Mauway naman, na isinailalim sa 3 araw na lockdown simula Lunes, nasa 15 ang positibo habang higit 1,000 pa ang kailangang i-test.

Watch more on iWantTFC

Isasalang pa sa swab testing ang mga nagpositibo sa rapid testing para makumpirma kung nahawahan sila ng COVID-19, ayon sa lokal na pamahalaan.

Ilang paaralan at gym ang ginagamit ngayong quarantine facility sa mga nagpositibo.

Kabilang sa mga inunang i-test ang mga frontliner at tricycle driver.

Sa mga barangay ng Hulo at Vergara, binarikadahan naman ang ilang kalye kahit walang total lockdown para makontrol ang mga lumalabas at pumapasok na mga residente.

Noong Lunes, umabot na sa 475 ang kabuuang bilang ng kumpirmado sa COVID-19 sa lungsod. -- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.