PatrolPH

Barangay 156 sa Caloocan isasailalim sa lockdown simula Miyerkoles

ABS-CBN News

Posted at May 12 2020 02:04 PM | Updated as of May 12 2020 07:02 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Isasailalim sa 3 araw na lockdown ang Barangay 156 sa Bagong Barrio, Caloocan simula Miyerkoles, Mayo 13, ayon kay Caloocan City Mayor Oscar Malapitan nitong Martes.

Ila-lockdown ang barangay hanggang Biyernes, Mayo 15, dahil sa pagdami ng bilang ng mga nagpopositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa lugar, na ngayo'y umabot na sa 25.

Ayon kay Malapitan, hihingi sila ng pahintulot sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases para palawigin ang lockdown hanggang 2 linggo.

Sa ilalim ng lockdown, hindi papayagang lumabas ang mga residente maliban kung emergency case, ayon sa mayor.

Titiyakin daw ng lokal na pamahalaan na mabibigyan ng ayuda ang lahat ng higit 5,000 residente ng barangay, na tatagal hanggang matapos ang lockdown.

Habang tumataas ang bilang ng mga nate-test para sa COVID-19 sa Caloocan, inaasahan ng local government na lalong lolobo ang bilang ng mga tinatamaan nito kaya maghihigpit sila sa pagpapatupad sa mga patakaran ng enhanced community quarantine, ani Malapitan.

Pinag-aaralan din ng lokal na pamahalaan na isailalim sa lockdown ang isa pang barangay, kung saan tumataas din ang bilang ng mga kaso ng COVID-19.

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.