Pagsilbi ng arrest warrant nauwi sa barilan sa Misamis Oriental; 4 patay

ABS-CBN News

Posted at May 12 2019 04:54 PM

Napatay noong gabi ng Sabado ang 4 na lalaki matapos makipagbarilan sa mga pulis sa bayan ng Opol, Misamis Oriental.

Sisilbihan sana ng arrest warrant si Nelson Manlos alyas "Boyong" para sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Pero pagdating ng pulisya sa kaniyang bahay sa Vamenta Subdivision sa Barangay Barra pasado alas-11 ay nakipagbarilan umano ito, ayon kay Police Maj. Evary Bacunawa, hepe ng Opol Municipal Police Station.

Nagpaputok ng baril sa mga pulis si Manlos at ang 3 niyang kasamahang sina Almirante Teneza, Jony Gacrama at Arman Gutierez, dahilan para gumanti rin ang mga awtoridad, ani Bacunawa.

Narekober sa mga suspek ang 2 kalibre .38 na revolver, 2 hand grenade, at 7 sachet ng hinihinalang shabu.

Itinuturing umanong ika-3 "most wanted" sa Opol si Manlos.

--Ulat ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.