)
Mula sa pagiging call center agent, lumipat sa home-based at freelance na trabaho si Rhealyn Volante para matutukan ang pag-aalaga sa kaniyang anak.
Patuloy pa ring nagbabayad si Volante ng mga kontribusyon, gaya ng Social Security System (SSS), kahit self-employed na.
"Hindi ko siya ini-stop kasi I'm thinking na 'yong magiging benefit ko in the long run," ani Volante.
"Yong maternity benefit. Then let's say, nag-retire na ako, gusto ko may makukuha rin akong pensiyon," aniya.
Pasok na rin ngayon ang mga self-employed members ng SSS sa Employees' Compensation (EC) program, na nangangahulugang maaari na rin silang makakuha ng dagdag na benepisyo sakaling sila ay maaksidente o magkasakit dahil sa trabaho.
Kasama sa mga benepisyong maaaring matanggap ang mga sumusunod:
- Medical benefits
- Carer's allowance
- Rehabilitation services (Remedial treatment, entrepreneurial training, at vocational training)
- Death pension
- Funeral benefits
Dapat i-aplay sa SSS ang mga nasabing benepisyo.
"Ang Employees' Compensation benefits po are over and above SSS benefits. So kung dati nakakakuha sila sa SSS for some benefits, mayroon ding ganoong counterpart sa EC," ani Employees' Compensation Commission (ECC) executive director Stella Banawis.
Ipinaalala rin ng ECC na bago makakuha ng mga nasabing benepisyo, kailangan rehistrado at nakapagbayad ng kontribusyon sa SSS ang isang self-employed na kumikita ng hindi bababa sa P2,000 kada buwan.
"Kung kayo ay self-employed na ngayon, dagdagan niyo lang po 'yong inyong premium by P10 to P30 para maka-avail na po kayo ng EC benefit," ani Banawis.
Hinihintay na lamang ang opisyal na mga patakaran na ilalabas ng SSS bago simulan ang pagpapatupad ng programa. --Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, trabaho, benepisyo, hanapbuhay, Social Security System, Employees' Compensation, Employees' Compensation Commission, TV Patrol, Zen Hernandez