Mga policewoman sinorpresa, binigyang pugay sa Mother's Day

ABS-CBN News

Posted at May 12 2019 06:08 PM

Inalayan ng cake ngayong Mother's Day ang ilang policewoman na nakadestino sa halalan. Screengrab

Sa bisperas ng halalan at sa mismong araw ng Mother's Day ngayong Linggo, sinorpresa ang mga policewoman na nakadestino sa polling centers sa San Fernando, Pampanga.

Inakala ng mga babaeng pulis na iinspeksiyunin lang ng ibang tauhan ng Police Regional Office 3 ang vote counting machines sa mga presinto pero may dala palang mga cake ito para sa pagdiriwang ng Mother's Day.

"Gusto din nating iparamdam na may human side din ang kapulisan... Tinitignan din natin ang kanilang morale," sabi ni Police Col. Rhoderick Armamento, Deputy Regional Director for Operations ng Police Regional Office 3.

Isa sa mga natuwa si Police Senior Master Sgt. Richmer Santos, na ilang araw nang hindi umuuwi dahil magdamag nakabantay sa polling center sa Barangay San Agustin.

Bukod sa cake, mismong mister at mga anak na niya ang sumadya sa polling center.

"Iyung pakiramdam na parang proud na proud ka, 'yung pagod mo at 'yung puyat mo mula Monday na nandito ako parang napawi bigla," ani Santos.

— Ulat ni Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.