Mga botante mula Baguio City, hirap makasakay ng bus

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at May 12 2019 06:39 PM

Mga botante mula Baguio City, hirap makasakay ng bus 1

BAGUIO CITY - Hirap nang makasakay ang mga pasahero mula Baguio City para makauwi sa kani-kanilang mga lalawigan.

Higit 20 metro na ang haba ng pila ng mga pasaherong gustong makauwi sa kani-kanilang probinsya para bumoto.

Kada kalahating oras dumarating ang bus kung kaya't matagal maubos ang mga pasaherong tila hindi umano nauubos.

Ang ilang pasahero naman, mula pa kaninang alas-9 ng umaga, hanggang alas-3 ng hapon, hindi pa rin nakakasakay. Wala na umano kasing bus.

"Pupunta kami sa Magsingal para magboto pero hanggang ngayon wala pang sasakyan kaya napakahirap. Gutom ang inabot dito," ani Fe Feresuello na pauwi ng Magsingal, Ilocos Sur.

Sa ilang terminal, punuan na rin ang mga bus. Fully booked na ang mga byahe pababa ng Maynila mula bukas hanggang sa May 14.

Pero pagtitiyak ng ilang terminal, may mga nakahanda silang ekstrang bus para bumiyahe. Laking tulong din umano ang pag-alis ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa coding hanggang sa Martes.

"Malayo pa talagang pinaghahandaan na namin itong eleksyon na ito. Nagpapasalamat kami sa LTFRB kasi hanggang (Mayo) 14, walang coding," ani terminal master Apollo Padagas.

Pero mahabang pila man daw ang sumalubong sa mga byaherong gustong umuwi, magtiitiis na lang daw sila para lang masulit ang pagkakataong makaboto.