'Kabuhayan, solo parent benefits': Mga ina may hirit sa mga kandidato sa halalan

ABS-CBN News

Posted at May 12 2019 07:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ngayong Linggo ay ipinagdiriwang ang Mother's Day at kinabukasan naman ay nakatakdang ganapin ang midterm elections sa buong bansa.

Dahil dito, hiling ng mga ina sa Mother's Day ang pagkapanalo ng mga kandidatong magtataguyod sa karapatan ng mga nanay.

Isa na dito si Guillerma Cainglet, na nakapagtayo ng negosyo sa pagkain sa puhunang P500.

Pero dahil hindi regular ang trabaho ng kaniyang asawang construction worker, sa kaniya umaasa ang tatlong anak sa pang araw-araw na gastusin.

Ayon kay Cainglet, ang talagang kailangan ng mga nagsusumikap na nanay tulad niya ay dagdag na puhunan para mapalago pa ang kanilang kabuhayan.

"Sa mga kumakandidato sana magkaroon ng programa na pangkabuhayan... Kasi kaya naman naming magtrabaho at mapalago ang negosyo, tulungan lang nila kami," ani Cainglet.

Si Mona Magno Veluz naman ay may anak na may autism pero hindi naging hadlang ang developmental condition nito para mapalaki niya nang matalino at mapagmahal sa bayan.

Katunayan, nasa tamang edad na ang kaniyang anak para bumoto at may listahan na rin ito ng mga kandidatong gusto niya.

Nagsagawa rin sila ng seminar para sa ibang young adult with autism na boboto na rin sa halalan sa Lunes.

"We need candidates na may konkretong programa para sa mga PWDs (persons with disability)... Maipakita nila na may malasakit sila sa mga batang may autism. Kasi they have needs like education, employment, social life," sabi ni Veluz sa mga kandidato.

Si Anita Jandayan naman, dalawang dekada nang single mother sa tatlong anak.

Mas mapapadali raw ang pagtataguyod sa mga pangangailangan ng mga bata kung merong dagdag-suporta sa kanilang mga solo parent.

"Gusto kong manalo 'yung bibigyang pansin ang aming karapatan," sabi ni Jandayan.

Umaasa ang mga nanay na boboto sa halalan na maihahalal ang mga kandidatong may konkretong programa at tunay na malasakit para sa kanila.

—Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.