Erap: 'Hindi po ako nagnakaw sa gobyerno'

Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at May 12 2019 02:18 AM

Star-studded ang naging miting de avance ng team legacy ni Manila Mayor Joseph Estrada sa Bonifacio Shrine sa Maynila.

Umpisa pa lamang, hiyawan na ang mga tao sa pag-akyat sa entablado nila Kim Chiu, Xian Lim, at Vice Ganda.

Mistulang nagbalik showbiz din si Estrada nang umawit sa entablado at hinarana pa ang misis na si dating first lady at senator Loi Estrada.

Pero nang seryoso na ang usapan, isang mahabang video naman na banat sa katunggaling si Isko Moreno ang ipinalabas sa dambuhalang screen. Pinakita dito ang papalit-palit umanong mga pahayag ng kalaban sa puwesto.

Sa talumpati naman ni Erap, tiniyak niya ang paglilingkod sa mga Manileño kapag muling nahalal. Makakatingin din umano siya ng mata sa mata dahil wala siyang ninakaw sa kaban ng bayan.

"Wala po akong kasalanan. Wala akong kasalanan sa inyo, sa bansa. Hindi po ako nagnakaw sa gobyerno," aniya.

Nakiusap naman ang running mate ni Erap na si Amado Bagatsing na huwag silang paghiwalayin ni Estrada at iluklok nang magkasama bilang mayor at vice mayor ng Maynila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

For updates on Halalan 2019 click here