Empleyado ng Calbayog city hall, patay sa ambush

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at May 12 2019 12:29 PM

Iniinspeksyon ng mga awtoridad ang sasakyan ng isang local government worker na nasawi dahil sa pananambang sa Calbayog, Samar. ABS-CBN News

CALBAYOG, Samar -- Patay ang isang empleyado ng munisipyo sa lungsod na ito matapos tambangan ng 2 gunman dito, Sabado ng hapon.

Nagmamaneho ng Mitsubishi Adventure ang government worker na si Joseph Ortega kasama ang isang 48-anyos na residente nang pagbabarilin ng mga suspek sa liblib na lugar sa Barangay Marcatubig, ayon sa pulisya. 

Agad anilang nasawi si Ortega, samantalang nasugatan ang kasama niyang si Manuel Sajul. 

Namaneho ni Sajul ang sasakyan hanggang sa makalapit sa mga pulis na nagpapatrolya sa katabing barangay ng Tinambacan. 

Dinala sa ospital si Sajul habang patuloy na iniimbestigahan ang insidente. 

Nangyari ang insidente sa kabila ng umiiral na gun ban para sa midterm elections sa Lunes. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.