Barangay tanod sa Abra, sugatan sa pamamaril sa harap ng bahay ng konsehal

ABS-CBN News

Posted at May 12 2019 12:48 PM

PILAR, Abra -- Nasugatan sa paa ang isang barangay tanod matapos mabaril sa harap ng bahay ng isang konsehal dito, Biyernes ng gabi o 2 araw bago ang eleksyon. 

Nagpapatrolya sa Barangay Dalit ang tanod na si Arnel Santiago nang umalingawngaw umano ang putok ng baril malapit sa tahanan ni konsehal Mario Agbusac. 

Tinamaan ng bala sa paa si Santiago at agad na nakahingi ng tulong sa kapitbahay.

Hinala niya, hindi siya ang puntirya ng gunman kundi ang tirahan ni Agbusac, na muling tumatakbo bilang konsehal. 

Hindi pa tiyak ng mga awtoridad kung pulitika ang dahilan ng pamamaril. 

Mula Abril, umabot na sa 6 na insidente ng pamamaril at 2 pambobomba ang naitala sa lalawigan ng Abra sa kabila ng election gun ban.

Nasa ilalim ng red category ang probinsya at itinuturing bilang isang "area of grave concern." 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

For updates on Halalan 2019 click here