20 huli sa paglabag sa liquor ban sa Butuan

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at May 12 2019 12:38 PM | Updated as of May 12 2019 09:17 PM

Inihihilera ng isang pulis ang mga bote ng alak na nakuha sa ilang kabataang lumabag sa liquor ban sa Butuan. Larawan mula sa police Special Weapons and Tactics (SWAT)-Butuan

BUTUAN -- Inaresto ang 20 kabataan sa lungsod na ito dahil sa paglabag sa liquor ban para sa midterm elections, Linggo ng madaling-araw. 

Ipinagbabawal ng Commission on Elections sa buong bansa ang pag-inom at pagbebenta ng mga nakakalasing na inumin hanggang hatinggabi ng Mayo 13, araw ng halalan. 

Nasa edad 19 hanggang 31 ang mga naaresto sa Purok 4, Butuan City dahil sa paglabag sa liquor ban. Nahulihan sila ng ilang bote ng alak at karamihan sa kanila ay mga estudyante, ayon sa pulisya. 

Maaaring magpiyansa ng P60,000 o makulong nang isa hanggang 6 na taon ang mga lalabag sa liquor ban. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.