Tumatakbong kagawad, nahulihan umano ng ilegal na droga sa Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at May 12 2018 10:10 PM

COTABATO CITY—Arestado ang isang kandidatong tumatakbo bilang kagawad matapos mahulihan ng P65,000 na halaga ng ilegal na droga Biyernes.

Ayon sa PDEA, matagal na silang nakakatanggap ng impormasyon kaugnay sa pagtutulak umano ng shabu ng suspek na dating punong barangay.

"We received reports as early as last year pa . . . We validated those information and it turned out positive. May mga test buy operations kaya tayo nakakuha ng search warrant. Hindi siya kasama sa list na pinalabas ng PDEA national office kasi hindi na siya incumbent official," ani Juvenal Azurin, direktor ng PDEA-ARMM.

Nakuha sa operasyon ang umano'y 83 pakete ng hinihinalang ilegal na droga.

Mariing itinanggi ng tumatakbong kagawad na sangkot siya sa kalakalan ng ilegal na droga.

Hindi rin nito masabi kung may kinalaman sa pulitika ang isinagawang operasyon laban sa kaniya.

"Hindi 'yun, hindi. Hindi ko maintindihan, di ko ma-explain. Kagawad lang din man ang tinakbo ko, hindi barangay chairman. Di ko rin alam bakit ganito ang nangyari, sana lilitaw ang katotohanan," pahayag ng suspek.

"Sa eleksyon di ko rin hangad manalo, mabigyan lang ako ng chance na makapaglingkod, ngayon wala na sigurong mangyari sa candidacy."

Nakapiit ang dating opisyal sa selda ng PDEA-ARMM at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.