SOCO: Bangkay ng 16-anyos natagpuan sa sementeryo

ABS-CBN News

Posted at May 12 2018 04:25 PM | Updated as of May 13 2018 02:26 PM

 

Ika-4 ng Mayo 2017 nang nadiskubre ng isang sepulturero ang naaagnas nang bangkay ng isang dalagita na nakasubsob sa madamong bahagi ng isang pribadong sementeryo sa Liliw, Laguna.

“Wala nang mukha eh, kinain na ata ng mga uwak,” ayon sa nakakitang sepulturero na si Chris Pelingco.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, halos hindi na makilala ang biktima dahil pitong araw na ang lumipas mula nang ito’y pumanaw bago natagpuan.

"Halos talagang naaagnas na 'yung katawan niya... Ang na-recover nating mga kagamitan is 'yong tsinelas ng biktima. May lipstick at tsaka 'yong bag no’ng biktima," pahayag ni PO3 Ronald Pastoral ng Liliw police.

Kalaunan ay kinilala ang biktima na si alyas "Marie," 16 anyos.

Hindi inakala ng ina ni Marie ang sasapitin ng kaniyang anak.

“Kahit sinong magulang mabibigla kasi sobra, sobra 'yung ginawa sa anak ko. Masyadong brutal, hindi ko akalain na sasapitin ng anak ko ‘yun. Hindi naman masamang tao ang anak ko,” sabi ni alyas “Angie.”

Para kay Angie, matalino, mabait at marunong makisama ang dalagita. Pero may pagkakataon raw na nagiging malihim si Marie pagdating sa pakikipagrelasyon.

“May sinabi siya na naging boyfriend niya, Ramzli Cordova po. Hindi ko po personal na nakilala. Hindi po siya pinakilala sa akin,” kuwento ng ina.

Dalawang babae ang lumapit sa pulisya para magbigay ng impormasyon tungkol sa kaso. 

Ayon sa kanilang sinumpaang salaysay, ika-27 ng Abril 2017 nang makita ng dalawang testigo sina Marie at dating kasintahan na si Ramzli sa naturang sementeryo.

“Base don sa ibinigay na statement ng witnesses, gusto nang umalis nitong biktima. Hinatak niya ito, tinakpan 'yung bibig, at nung nagpumiglas nga ito tsaka niya inundayan ng saksak nang nakatalikod,” ani Pastoral.

Hindi na raw nagawang tulungan ng mga testigo ang biktima dahil sa takot.

Hindi malinaw ang dahilan ng pagtatalo ng dalawa, ngunit posible raw na ang pagseselos ang nag-udyok kay Ramzli na gawin ang krimen.

“Tiningnan nating motibo ay maaaring 'yung nangyaring insidente ay dahil doon sa mayroong third party na involved,” ayon kay Pastoral.

Dahil sa kanilang testimonya, sinampahan ng kasong murder si Ramzli. Pero mula noo’y hindi na nakita pa ang suspek.

“Sa ngayon, itong suspek ay nananatili siyang at large pa rin habang 'yung kaso ay naisampa natin sa tanggapan ng piskalya,” ani Pastoral.

Dalangin ng pamilya ni Marie ang agarang pagdakip sa suspek.

“‘Iyun po ang aming hinihingi, hustisya. Hustisya para sa anak ko...Walang kapatawaran. Kailangang pagbayaran ‘yan sa batas. Alam niya kung ano ang ginawa niya. Dapat siyang managot sa batas. Dapat siyang makulong,” giit ni Angie.

Kasalukuyang tinutugis ng mga pulis ang nagtatagong suspek sa krimen na kinilalang si Ramzli Cordova. Larawan mula sa SOCO

Kung may impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng suspek, magpadala ng mensahe sa 0937-373-2531 o makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.

Para sa iba pang listahan ng wanted, sundan ang “SOCO” sa Facebook (www.fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.