Sereno sa mga pumabor sa quo warranto: 'Winasak ang hudikatura'

ABS-CBN News

Posted at May 12 2018 12:19 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang minuto matapos lumabas ang desisyon ng Supreme Court en banc na pumabor sa quo warranto, hinarap ng pinatalsik na Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang kaniyang mga tagasuporta.

Sa botohan ng 14 na mahistrado, walo ang pumanig sa quo warranto, sapat na bilang upang mapatalsik si Sereno sa kaniyang puwesto. 

Tulad ng kaniyang inaasahan, bumoto laban sa kaniya ang anim na associate justices na kaniyang pinapa-inhibit. Ito sina:

  • Lucas Bersamin; 
  • Teresita De Castro; 
  • Francis Jardeleza; 
  • Samuel Martires;
  • Diosdado Peralta; 
  • Noel Tijam. 

"Ngunit dahil ayaw mag-inihibit ang dapat mag-inhibit, ganiyan na lamang po ang nangyari. Inalis ako sa puwesto," ani Sereno sa kaniyang talumpati.

Dahil dito, tingin ni Sereno ay siya pa rin ang "nanalo" sa botohan.

"Kaya kung tutuusin, panalo po tayo. Anim po sa walong [dapat lamang] bumoto ang nagsabing hindi ako dapat alisin. Dalawa lamang po ang bumoto na ako ay dapat alisin," paninindigan ni Sereno. 

Sa pananaw ni Sereno, sina Associate Justices Andres Reyes Jr. at Alexander Gesmundo lamang ang pumanig sa quo warranto. 

Argumento niya, base sa rules of compulsory inhibition ay hindi dapat lumahok sa botohan ang anim dahil sila mismo ang nag-akusa sa kaniya kaya't hindi sila maaaring maging patas. 

"Tahasang naging tagahusga ang anim na mahistrado na bahagi ng mga taga-akusa sa akin."

'Barkadahan'

Iginigiit muli ni Sereno na tanging impeachment lamang ang makapagpapatalsik sa kaniya sa puwesto at hindi ang kaniyang mga kapwa justices upang "maprotektahan" ang kanilang independence. 

"Kayang-kayang tanggalin ng barkadahan ang sino man sa anumang rason basta't nasa kanila ang sapat na boto. Gano'n na nga po ang nangyari," aniya.

Naniniwala ang pinatalsik na punong mahistrado na pambihira ang naging desisyon ng korte, at malawak ang magiging implikasyon nito. 

"Ito po ay una sa ating kasaysayan na inalis ng mayorya ng Korte Suprema ang isa sa kanilang kasamahan. Inangkin nila ang tanging karapatan ng Senado. Tahasang nilabag ang sinumpaang tungkuling pag-ingatan ang Saligang Batas at winasak ang hudikatura," patama ni Sereno. 

Sa huli, sinabi ni Sereno na "simula" pa lamang ito, at nagpasalamat siya dahil lumawak pa ang kanyang laban.

Inaasahang iaapela ng kaniyang kampo ang naturang desisyon. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, magkahalong galit at lungkot naman ang namayani sa gitna ng kilos-protesta ng supporters ni Sereno. 

Sa pagpapapatalsik kay Sereno, lumalabas umano na hawak na sa leeg ni Pangulong Rodrigo Duterte ang SC.

Hindi umubra ang panalangin, pagkanta, at pag-apela ng supporters ni Sereno na nagtipon sa labas ng Korte Suprema sa bisperas pa lang ng inaasahang botohan.
    
Iginigiit nila na ayon sa Konstitusyon, Senado ang dapat magpatalsik sa chief justice sa pamamagitan ng impeachment proceedings.

"Bakit sila nagmamadali? Ang nagmamadali, kabuntot niyan ang demonyo," pahayag ni Bishop Broderick Pabillo ng Archdiocese of Manila.

Sa kabilang banda naman, nagtipon-tipon din ang mga pabor na mapatalsik sa puwesto si Sereno.
    
Matapos marinig ang makasaysayang desisyon ng Korte Suprema, nag-alisan na rin ang dalawang kampo.

--May ulat nina Mike Navallo at Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.