Presidente ng CBCP, inirekomenda si Lizada ng LTFRB bilang Ombudsman

Doris Bigornia, ABS-CBN News

Posted at May 12 2018 01:01 AM

MAYNILA - Inirekomenda ng presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang pagtatalaga kay LTFRB board member Aileen Lizada bilang kapalit ni Ombudsman Conchita Carpio Morales.

Sa isang liham na ipinadala sa Korte Suprema nitong Biyernes ng umaga, sinabi ni Archbishop Romulo Valles na malaki ang tiwala niya na kaya ni Lizada na gampanan ang pakikipaglaban sa korupsyon at iba pang katiwalian gaya ng hinihingi ng Office of the Ombudsman.

Sulat ni Archbishop Romulo Valles sa Korte Suprema na nagrerekomenda kay LTFRB board member Aileen Lizada bilang Ombudsman.

Hindi rin aniya matatawaran ang serbisyong nagawa ni Lizada sa mahigit 12 taon sa Ombudsman's Office sa Davao. 

Crime buster aniya ito at hindi sabit sa anumang kaso o anomalya.

Dagdag niya, binigyan umano ng parangal ng Simbahang Katolika si Lizada.

"As to her honor and integrity, the Church, through His Holiness Pope John Paul II, granted her the highest award of honor that the Church could grant a lay faithful," sinabi ni Valles sa sulat.

"In her case, Atty. Lizada was granted the Pro Ecclesia et Pontifice award. This honor only marks the surface of her undisputed integrity, work ethic and character."

Nakatakdang magretiro sa Hulyo si Morales.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.