Nangampanyang kagawad patay sa pananambang sa Sarangani

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at May 12 2018 02:17 PM

Sakay ng kotse si Haron Malagos kasama ang asawa at pauwi na mula sa pangangampanya nang tambangan sa Purok Calagumit, Malapatan, Sarangani Province. Jay Dayupay, ABS-CBN News

MALAPATAN, Sarangani - Dead on the spot ang isang reelectionist na barangay kagawad ng Sapu Masla dito matapos tambangan ng apat na salarin sa Purok Calagumit, Biyernes ng umaga.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na pauwi na si Haron Malagos galing sa pangangampanya nang tambangan at pagbabarilin gamit ang isang M16 at kalibre .45 na baril.

“We are still verifying if this is personal grudge or political in motive. We will make sure that we’ll get to the bottom of this if this is election-related violence,” pahayag ni Chief Inspector Romeo Calamba.

Naganap ang insidente ilang araw lang bago ang eleksiyon sa Mayo 14. 

Sakay ng kotse ang biktima kasama ang misis nito na si Rowena nang paulanan ng bala ang sasakyan. Nakaligtas siya matapos na makatalon nang itulak ng biktima papalabas ng kotse.

Nakilala ni Rowena ang mga namaril sa kanila at mga kamag-anak umano ito ng kaniyang mister.

“Nasa front seat ako sa tabi niya. Kung hindi niya ako itinulak, natamaan din ako," pahayag ni Rowena.

Ayon sa kaniyang misis, pinagbintangan ang kaniyang mister na umano’y nagsumbong sa mga pulis kaya ni-raid ang bahay ng isang kamag-anak nila at napatay ito ng awtoridad.

“Nang i-raid 'yong bahay ng kamag-anak niya noong February 9, siya ang pinagbintangan. Mula noon, may mga pagbabanta na siyang natatanggap pero binalewala namin kasi kamag-anak man lang niya,” sabi ni Rowena.

Tiniyak ng awtoridad na kakasuhan ang mga suspek na pinangalanan ng misis ng biktima. 

Iniutos na ng Commission on Elections (Comelec) sa Region 12 na imbestigahan ang pamamaril. 

Ayon kay Michel Abas, ang regional director ng Comelec 12, dapat maresolba ang krimen lalo at kandidato ang biktima.

“This must be resolved tulad noong sa Kiamba, Sarangani na nakasuhan na ang culprit sa pagpatay sa barangay kapitan doon,” pahayag ni Abas.

Si Malagos na ang ikalawang kandidato sa Sarangani na biktima ng pamamaril. 

Matatandaang noong nakaraang buwan, patay din sa pamamaril ang isang barangay kapitan ng Tambilil sa Kiamba. Ayon sa Sarangani Police, nakasuhan na ang mga suspek sa pagpatay sa reelectionist na kapitan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.