Nag-amok na preso patay sa Cebu

Annie Perez, ABS-CBN News

Posted at May 12 2018 04:38 PM

CEBU CITY – Patay ang isang preso matapos umanong mag-amok sa loob ng Cebu City Jail, Sabado ng umaga.

Ayon kay Jail Warden Supt. Renante Rubio, sinaksak ng suspek ang apat niyang kasama sa selda gamit ang improvised ice pick na may anim na pulgada ang haba.

Tinangka rin niyang saksakin umano ang jail officer na rumesponde sa insidente hanggang sa nakalabas na siya ng selda at nakaabot na sa service jail ng pasilidad. 

Nagpaputok pa ng warning shot ang isa pang jail officer pero hindi napigilan ang preso.

Nagpatuloy umano sa pagwawala ang suspek hanggang sa mabaril na siya sa tiyan ng isang jail guard.

Sinubukan pa siyang isalba ng mga medic sa pasilidad pero binawian na rin ng buhay. Nabigyan din ng agarang atensiyong medikal ang apat na nasaksak na inmates, kung saan isa umano ang nasa kritikal na kondisyon.

Lumalabas sa imbestigasyon na psychologically disturbed ang suspek dahil walang bumibisita sa kaniya sa kulungan. Nakulong ang suspek dahil sa kasong arson.

Dahil sa insidente, ipinasuko sa lahat ng inmate ng pasilidad ang mga itinatagong panaksak, at kung hindi ay kakanselahin ang kanilang visitation rights.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.