2 tulak ng droga, patay matapos umano manlaban sa QC

Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at May 12 2018 05:28 PM

MAYNILA - Patay ang 2 umano'y tulak ng ilegal na droga matapos mauwi sa engkuwentro ang isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Manresa, Quezon City Sabado.

Kinilala ang mga napatay na suspek sa mga alyas nilang Tikboy at Erik.

Ayon kay Chief Supt. Joselito Esquivel, hepe ng QC Police District, nakakuha sila ng report na sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga ang mga suspek at agad sila nagsagawa ng operasyon.

Ngunit nang aarestuhin na sana ang mga suspek, agad umano itong bumunot ng baril at pinaputukan ang mga pulis dahilan para gumanti rin ng putok ang mga operatiba na nagresulta sa agarang pagkamatay ng mga suspek.

Dagdag ni Esquivel, taga-Blumentritt, Maynila ang mga suspek at dumadayo lamang para magbenta.

Narekober mula sa mga suspek ang isang kalibre-.45, isang kalibre-.38 revolver, isang motorsiklo at sachet ng hinihinalang shabu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.