Taxi driver natagpuang patay sa Capiz

Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at May 12 2017 09:05 AM

Dumarao, CAPIZ - Isang 49-anyos na taxi drayber ang natagpuang patay sa loob ng minamaneho niyang sasakyan sa Barangay Poblacion Ilawod, Huwebes.

Natagpuan ang bangkay ni Jessie Cabitin na tinakpan ng sapin at pinatungan ng pamalit na gulong sa likod ng Toyota Avanza na natagpuan ng mga otoridad bandang alas-tres ng hapon.

Ayon sa mga residente, madaling araw pa lamang ng Huwebes ay nakita na nilang nakaparada ang taxi ni Cabitin sa nasabing lugar.

Sinabi ng mga otoridad na may sugat ang leeg ng drayber ngunit hindi pa natutukoy kung ano ang ginamit ng mga suspek para patayin ang biktima.

Ayon kay Jovy Cabitin, asawa ng biktima, huli nilang nakausap ang biktima Miyerkoles ng gabi kung saan sinabi pa nito na mag-uuwi ng pasalubong na kendi para sa kanilang mga anak.

"Mabait at mapagmahal siyang ama. Hindi ko maisip sino ang puwede gumawa nito sa kanya," sabi ng asawa ng biktima.

Inaalam pa ng mga imbestigador kung dito sa bayan pinaslang si Cabitin o pinatay sa ibang lugar at iniwan lamang dito ang bangkay.

Hindi pa din alam ng mga pulis kung panghoholdap ba ang motibo ng pagpatay dahil halos P900 ang natagpuan sa bulsa ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.