Kaso ng 'tanim-droga', hawak na ng CIDG

ABS-CBN News

Posted at May 12 2017 08:02 PM | Updated as of May 12 2017 11:05 PM

Hinawakan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pag-iimbestiga sa kaso ng government employee sa Bacolor, Pampanga na nabiktima umano ng ‘tanim-droga’ at ‘tanim-ebidensiya’. 

Pinabulaanan naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa Region 3 ang akusasyon ni Wilgelmo Galura, ang nasabing empleyado, at iginiit na kasama siya sa listahan nila ng mga high-value target drug personalities. 

Samantala, iniutos na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na imbestigahan ang city prosecutor ng Maynila, dahil sa hindi nito pagpapatupad sa inilabas niyang Department of Justice (DOJ) Circular na dapat nagpalaya sana noong Enero pa sa tatlong senior citizen na nabiktima rin umano ng ‘tanim-droga’.

Kahapon ay lumayo ang tatlong senior citizens na biktima umano ng ‘tanim-droga’, ‘tanim-bala’ at ‘tanim-ebidensiya’ sa Maynila. Pero dapat ay napalaya na ang mga ito kung susundin lamang ng city prosecutor ang DOJ Circular 004. Nag-uutos ito na palayain na ang mga respondents sa drug cases na sumasailalim sa automatic review pero na-dismiss na ng piskalya.

Kung nagawa ito, dapat Enero pa umano nakalaya ang tatlo. Kita rin sa CCTV na walang ginawa ang piskal na pigilan ang mga pulis nang pasukin ang mga units sa hotel na hindi kasama sa search warrant.

“Bumuo na ako ng panel na mag-imbestiga rito pati NBI [National Bureau of Investigation]. Pagpapaliwanagin ko ang city prosecutor,” ayon kay Aguirre.

Pulisya, dumipensa 

Ipinakita naman ng PNP Region 3 ang surveillance video na magpapatunay umano na may kaugnayan sa droga si Galura. Droga umano ang laman ng pulang plastic na inabot ng may-ari ng karinderya na si Willie Marin kay Galura.

Batay sa record ng mga pulis, kasama si Galura sa mga high-value target drug personalities sa Pampanga. 

“Napag-alaman namin na financer si Galura. Taga-dispose ang mga kasama niya. I am confident na walang ‘tanim-droga’," ayon kay Juvenal Azurin, Direktor ng PDEA-Region 3.

Pero kuwento ni Galura, galing ang video sa isang pinsan na kaalitan ng naaresto ring si Marin.

Hot pursuit naman ang depensa ng PNP Region 3 kung bakit pinasok ang bahay ni Galura kahit walang search warrant. Pero tanong ni Galura, bakit hinalughog ang mga cabinet, kung ang pakay lang ay habulin siya?

Aminado si Galura na wala siyang tiwala sa PNP Region 3 kaya dumulog na siya sa CIDG para magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa kaso.

Ayon kay Galura, isa sa mga anggulong ipasisilip niya ay may kinalaman sa mga naiinggit sa kanya sa negosyo, at posibleng ginamit ang operasyon para i-frame up umano siya. Ayaw na muna niyang magbigay ng detalye. 

Nagsampa na rin ng reklamong administratibo sa PNP Internal Affairs Service si Galura.

Tinanggal na sa puwesto ang hepe ng Bacolor at Mabalacat police, pati intelligence officer ng Mabalacat at hepe ng Provincial Drug Enforcement Unit.
 
Nasa administrative holding center ang apat habang iniimbestigahan ang mga alegasyon ng ‘tanim-droga’.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.