Ban sa pagse-cellphone habang nagmamaneho, ipatutupad na

Jorge Cariño, ABS-CBN News

Posted at May 12 2017 06:39 PM | Updated as of May 13 2017 12:47 AM

Epektibo na sa susunod na linggo ang pagbabawal sa paggamit ng cellphone at iba pang gadgets habang nagmamaneho. Ito ay sa ilalim ng Republic Act 109013 o mas kilalang Anti-Distracted Driving Law.

Ayon sa tala ng World Health Organization (WHO), umaabot sa 1.25 milyong tao ang namamatay sa road traffic crash taon-taon.

Sa Pilipinas naman, 24 tao ang namamatay bawat araw sa mga insidente ng banggaan sa kalsada, sabi ng WHO. Ibig sabihin, may isang namamatay sa aksidente kada oras.

Karamihan pa ng mga biktima ay ang tinatawag na ‘economically active’, o ang mga edad 15 hanggang 29 anyos.

Kaya naman pinag-usapan sa Road Safety Initiatives Forum ang mga programang gagawin para maging ligtas ang kalsada.

Kabilang dito ang pagpapatupad ng Anti-Distracted Driving Law o ang pagbabawal sa paggamit ng cellphone at iba pang gadget habang nagmamaneho.

Nilathala na ito sa pahayagan nitong Mayo 3 at epektibo na sa Mayo 18, 2017, kung pagbabatayan ang implementing rules and regulations na inilabas ng Department of Transportation na magiging epektibo ang mga patakarang nakalahad 15 araw matapos ang pagkakalathala. 

Subalit ilan sa mga tinanong na traffic enforcers ay wala pa ring alam tungkol sa bagong batas. 

Gusto rin ng gobyerno na gawing moderno ang mga jeepney -- ililipat sa gilid ng jeep ang estribo, may dashcam, speed limiter, at automated ang pagbabayad na parang beep card ng sa LRT o Light Rail Transit.

Hindi naman umano sang-ayon ang ilang jeepney driver dito dahil malaking gastos daw ito sa kanila, ngunit nagpahayag na rin ang gobyerno na tutulungan sila sa aspektong ito.