MAYNILA — Nilinaw ng Palasyo na hindi permanente ang itatayong "mega vaccination center" sa lupain ng Nayong Pilipino Foundation (NPF) sa Parañaque City.
Ito ay matapos ang babala ng Malacañang noong Lunes laban sa NPF board na huwag harangin ang pagpapatayo ng pasilidad.
Sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque nitong Martes, tents lang naman ang ilalagay sa naturang lupain.
"Parang mga tents lang din po 'yan, parang 'yung ginawa rin na mga tent facility na ginagamit na COVID isolation," ani Roque.
Kasabay nito, pinaalalahanan din ng Palasyo ang board na kasama sa kapangyarihan ng Pangulo ang pagtatayo roon ng vaccination facility.
Muli namang iginiit ng nagbitiw na executive director ng NPF na hindi naman sila kontra rito pero kailangan lang na alinsunod sa batas ang pagtayo rito ng pasilidad para sa pagbabakuna.
Abril 8 pa aniya nila naaprubahan ang pagtatayo ng vaccination facility. May nakatayo na ring quarantine facility sa lugar na pinapatakbo ng gobyerno.
Ang kinukuwestiyon nila ay kung bakit ang itatayong mega vaccination center ay patatakbuhin ng isang pribadong kompanya.
"Sinabi po talaga namin na we can't agree to use by the private sector kasi bawal po 'yan sa batas, nakasaad po kasi sa batas natin," ani Lucille Karen Malilong-Isberto, nagbitiw na opisyal.
Ipinauubaya na niya sa papalit sa kanya kung ano ang susunod na magiging hakbang ng Nayong Pilipino at Department of Health kaugnay sa kung ano ang magiging kasunduan.
Pero bukod sa legalidad ng papasuking kasunduan, dapat din aniyang isaalang-alang ang epekto ng itatayong pasilidad sa kalikasan.
Masukal at mataas ang mga damo na kailangan pang patagin kung saan itatayo ang mega vaccination center. Maaapektuhan rin ang mga puno ng ipil-ipil kung saan may naninirahang mga ibon.
Mula sa kuha ng drone ng NPF, makikita na malapit din ito sa coastline ng Manila Bay.
"Yung environmental issue is part of the legal issue. 'Yung area po kasi within 2.5 kilometers from Las Piñas-Parañaque Critical Habitat na protected area which is a Ramsar site, part po siya ng bird fly-way network," giit ni Malilong-Isberto.
Ang isang "Ramsar site" ay isang wetland site na naitalagang mahalaga sa 1975 Ramsar Convention on Wetlands.
Kaya tingin niya, maaaring kailanganin din nilang kumuha ng clearance mula sa Department of Environment and Natural Resources upang matiyak na mapangangalagaan ang kapaligiran lalo na't may mga ahas at bayawak na namataan doon.
Sinubukan ng ABS-CBN News na hingan ng komento sina vaccine czar Carlito Galvez at Tourism Sec. Berna Romulo-Puyat pero wala silang tugon sa tawag at mga mensahe.
Ang nagdisenyo naman ng pasilidad na si architect Felino Palafox ay tumanggi munang magkomento sa isyu.
—Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, TV Patrol, TV PATROL TOP, Nayong Pilipino, NPF, Nayong Pilipino Foundation, Las Piñas-Parañaque Critical Habitat, Lucille Karen Malilong-Isberto, mega vaccination center