Kapitan ng barangay na nanuntok umano ng motorista hinuli sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at May 11 2021 03:51 PM | Updated as of May 11 2021 06:00 PM

MAYNILA - Hinuli ng mga pulis Linggo ng gabi ang isang barangay chairman sa bayan ng Arayat, Pampanga matapos umanong manuntok ng motorista.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sinita umano ni San Jose Mesulo Barangay Chairman Elmer Buan ang 25 anyos na biktima dahil mabilis raw ang pagpapatakbo nito ng motorsiklo. 

Nagkasagutan ang 2 hanggang sa inundayan umano ni Buan ng suntok sa bandang tenga ang biktima, dahilan para dalhin ito sa ospital.

Ayon sa Arayat police, napag-alaman na walang suot na face mask si Buan at nagpositibo rin ito sa breath alcohol test.

Mahigpit na ipinagbabawal sa Pampanga sa bisa ng Ordinance 756 ang hindi pagsuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.

Nakasaad naman sa Executive Order 5-2021 na pinirmahan ni Pampanga Governor Dennis Pineda na ipinapatupad pa rin ang curfew at liquor ban sa buong probinsiya hanggang Mayo 15.

Mahaharap sa reklamong physical injury at paglabag sa ordinansa at liquor ban si Buan. 

KAUGNAY NA BALITA

Watch more in iWantTFC

-- Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.