PatrolPH

Access ng DA sa pondo kontra ASF, mas mapapadali dahil sa state of calamity - agri chief

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at May 11 2021 09:45 PM

 

MAYNILA - Naniniwala ang Department of Agriculture (DA) na mapapadali ang pag-access sa mas maraming pagkukunan ng pondo para sa mga programa nito laban sa African swine fever (ASF) matapos ideklarang nasa state of calamity ang bansa dahil dito. 

Matatandaang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity para masugpo ang ASF na tumama sa bansa ng 2019. 

Layunin din nito na ma-repopulate ang mga baboy at mapababa ang presyo ng karneng baboy sa merkado. 

“There will be more resources. When we say resources a variety of government assets from farms, equipment, facilities as well as manpower and personnel so maraming tulong tulong, local government units, all instrumentalities of government," paliwanag ni Agriculture Secretary William Dar nitong Martes. 

Kabilang dito ang nakabinbin na hiling ng departamento na P461 million para sa indemnification sa mga dati nang namatayan ng baboy dahil sa ASF.

Para naman sa mga mamamatayan pa lang ng baboy dahil sa naturang sakit, insurance ang maibibigay at hindi cash.

“Yes that has been announced through the insurance system at yung mga commercial hog raisers ay merong premium na babayaran. 22% of that will be paid by the government as an incentive,” aniya.

Pero hindi masaya rito ang ilang mga magbababoy. 

Matagal na raw kasi nilang panawagan ang pagdeklara sa state of national calamity para mabigyan ng tig P10,000 kada ulo ng baboy ang mga mamamaatayan ng baboy.

“Yung kanyang insurance walang gustong kumuha nun, yung kanyang pagpapautang para sa repopulation, walang gustong mangutang dahil sa African swine fever,” ayon kay Pork Producers Federation of the Philippines Vice President Nicanor Briones.

PANOORIN: 

Watch more on iWantTFC

Sa isa namang pahayag, inudyok ng Samahang Industriya ng Agrikultura ang Senado na siguruhing mababayaran ang mga magbababoy na maaapektuhan ng ASF at mabibigyan ng pondo ang industriya para sa rehabilitasyon, at hindi gamitin ang pondo para sa pagbili ng mga freezers para sa mga importers.

“We request the Senate to continue its vigilance by ensuring that those affected by ASF be compensated and the funds to be realigned will go to the rehabilitation of the industry and not spent on purchasing freezers for the importers or other publicity stunt to improve the image of the pro-importation Secretary," anila. 

 Panibagong pork holiday, nagbabadya

Samantala, inilabas rin ng Malacañang ang Executive Order (EO) No. 133 na nagtataas sa minimum access volume (MAV) para sa imported na karneng baboy ngayong taon sa 254,210 metric tons mula sa kasalukuyang 54,000 metric tons.

Pero wala pa rin daw ang binagong EO No. 128 na isa pang inaasam ng mga mangbababoy.

Layunin ng EO ang pagpapababa ng sa taripa ng imported na karneng baboy. 

Dahil dito, nagbabala si Briones na dapat ilabas na ng Malacañang sa lalong madaling panahon ang naamyendahan o panibagong EO. 

Ito ay matapos magkasundo ang Senado at ang Department of Finance na gawing 15 hanggang 20% ang taripa sa mga pasok sa MAV at 20 hanggang 25% naman para sa mga out-quota o labas sa MAV. 

“Kung yan ay idi-dribble nila, at tatagal ng 3 buwan, aba ay nagkakalokohan so dapat kaagad magkaroon ng panibagong EO 128, magkaroon ng amendement," paliwanag ni Briones. 

"Kapag ididribble nila, ginagalit na naman nila ang magbababoy, baka sumama ang magmamanok, eh magkakaroon ng pig tsaka chicken holiday. Mangyayari yan kapag yan ay di nila inaksyunan agad,” dagdag niya. 

Habang hindi pa kasi inilalabas ang panibagong EO No. 128, mananatiling 5% ang taripang ipapataw sa mga imported na karne, bagay na kinokondena ng mga magbababoy.

Nagdesisyon naman ang mahigit 100 na agricultural groups, at kooperatiba na iboycott ang Food Security Summit na isasagawa ng Department of Agriculture sa May 18 hanggang 19.

Sinabi ng mga grupo sa isang joint virtual press conference ngayong Martes na wala rin namang saysay dahil hindi nakikinig ang departamento sa mga hinaing at hiling ng mga magsasaka, mangingisda, magbababoy at iba pa.

“So far yung consultation na ginagawa nila parang stampad lang, hindi talaga galing sa sector ng agriculture ang mga dapat sundan. 

Ang ginagawa nila is gumagawa sila ng programa tapos isusubo na lang sa mga sektor pero yung gusto nila pa rin ang ginagamit kaya walang nangyayari,” ayon kay SINAG Chairman Rosendo So.

 Panay importasyon? 

Daing ng mga grupo ang panay importasyon ng gobyerno na isinusulong ng DA kaya umaatras ang mga ito sa pagproduce ng pagkain.

Paliwanag ni National Federation of Hog Farmers Inc. President Chester Tan, sa kabila daw ng importasyon, hindi pa rin bumababa ang presyo ng baboy.

PANOORIN: 

Watch more on iWantTFC

“Pag nag-import sila nang sobra-sobra temporary lang yan, di pa nga tayo sigurado kung talagang magpapababa ng presyo. Sa exprience natin sa dami ng importation, binaha na nila, di pa rin bumababa ang presyo," sabi ni Tan. 

Binigyang-diin di niya ang importansya ng local production ng mga baboy para mapababa ang presyo nito. 

"Kapag lahat tayo nagtanim na, nag-alaga ng hayop, dadating ang time na dadami ang produksyon, dadating ang panahon na yung presyo ay bababa rin,” aniya. 

Hindi rin nagustuhan ni United Broiler Raisers Association President Bong Inciong ang aniya'y "import liberalization" na ipinatutupad ng pamahalaan. 

“Ang food summit na yan ay pang-aliw at pagtatanggol sa polisiya nilang import liberalization. Ugat ng problema ay lahat ng batas sa sector hindi pinatutupad ng DA dahil nananaig doktrina ng mga ekonomista na import liberalization,” sabi ni Inciong.

Nakatakdang magsagawa ng sariling Food Security Summit ang mga grupo na hindi kasama ang DA, at ipapasa diretso sa Malacañang ang kanilang mapag-uusapan.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.