Coast Guard, maglalagay ng makabagong boya sa Philippine Rise

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at May 11 2021 06:28 PM

Nakatakdang i-install ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Mayo 12, 2021 ang unang tatlo sa 10 state-of-the-art lighted ocean buoys para markahan ang Philippine Rise. Larawan muna sa Philippine Coast Guard

MAYNILA - Maglalagay na ang Philippine Coast Guard (PCG) ng mga boya sa karagatang sakop ng exclusive economic zone o EEZ ng bansa para markahan ang teritoryo nito sa tinaguriang Philippine Rise o ang dating Benham Rise. 

Ayon sa PCG, dumating na sa Cebu nitong Biyernes mula sa Valencia, Spain ang mga boya na may habang 30 talampakan.

Maingat na binuo ng PCG Maritime Safety Services Command at M-NAV Solutions Inc., ang naturang mga boya na magsisilbing marker ng bansa sa Philippine Rise. 

Lunes nang inspeksiyunin ni PCG Commandant Admiral George Ursabia Jr., ang nasabing mga boya na equipped ng mga makabagong marine aids sa navigation lanterns, specialized mooring systems at remote monitoring system na gumagamit ng satellite technology para makapag-transmit ng data sa PCG National Headquarters sa Port Area, Maynila. 

Sinabi ni Ursabia na ang presensya ng mga boya na ito sa Philippine Rise ay magsisilbing patunay na ang naturang karagatan ay ikinokonsiderang special protected zone kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pagmimina at oil exploration para mapanatili ang mayamang natural resources dito. 

Dagdag pa ni Ursabia, magsisilbi rin ang boya bilang markers sa laot para sa designated food supply exclusive zone at para sa ligtas na navigation sa Philippine Rise. 

Ang Philippine Rise ay matatagpuan sa layong 250 kilometro sa silangan ng northern coastline ng Aurora.

KAUGNAY NA VIDEO MULA SA ARCHIVES

Watch more in iWantTFC