2 taong gulang na bata sa Davao Oriental, nalunod sa timba

ABS-CBN News

Posted at May 11 2021 09:07 PM

2 taong gulang na bata sa Davao Oriental, nalunod sa timba 1
Patay ang 2 taong gulang na batang lalaki matapos malunod sa timbang may lamang tubig sa Tarragona, Davao Oriental ngayong Mayo 11, 2021. Photo courtesy of Rovil Matayab

Patay ang 2 taong gulang na batang lalaki matapos malunod sa timbang may lamang tubig sa Barangay Central sa bayan ng Tarragona, Davao Oriental, Martes ng umaga.

Laking gulat ng lolang nagbabantay kay "Jade" nang, paglabas niya ng bahay ay nakitang nakalublob na ang bata sa balde at paa na lang ang kita.
 
Rumesponde sa insidente ang mga rescuers sa bayan, pero binawian na ng buhay ang bata.

Ayon kay Rovil Matayab, staff ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, ang lola lang ang nagbabantay sa bata dahil nagtatrabaho ang magulang nito.

Naglalaba umano sa labas ng bahay ang lola at pumasok saglit sa bahay para magsaing.

Naiwan ang batang naglalaro sa labas.

Pero, paglabas ng lola ay nangyari na ang insidente.

Nanawagan naman si Matayab na sana ay matulungan ang pamilya ng biktima lalo't kapos sila sa buhay.

- Ulat ni Hernel Tocmo

 KAUGNAY NA VIDEO

Watch more on iWantTFC