SOCO: 6 anyos na batang lalaki patay nang mabaril umano sa ulo ng pulis

ABS-CBN News

Posted at May 11 2019 01:59 PM

 

MAYNILA — Dinatnang nakahandusay at duguan ang isang 6-taong gulang na batang lalaki matapos tamaan ng bala sa ulo sa Camarin, Caloocan City noong Abril 28.

Ayon sa ina ng bata, nagpaalam lang ito na maglalaro sa tapat ng kanilang tahanan.

"Sabi nung anak ko, 'Mama, lalabas ako.' Hanggang nakarinig na lang ako [ng putok] ng baril, malapit lang dito," kuwento ni Jessa Habal, ina ng biktimang si Gian. 

"Tapos kita mo 'yung anak mo, duguan. Sirit na 'yung dugo. Lumalabas na 'yung utak niya. Ang hirap... Ang sakit," hinaing pa ng ina. 

Namataan noon ni Elsa Francisco Montañez, lola ni Gian, ang isang unipormadong lalaki sa kanilang eskinita. Dahil walang ibang tao sa kanilang lugar, inisip niyang ang lalaki ang nakabaril sa bata.

Noo'y naglakas-loob raw siyang pigilan ang lalaki, ngunit muli raw itong nagpaputok ng baril kaya tinamaan ang paa ng lola. Dito na tumakas ang unipormadong lalaki.

Sa pag-iimbestiga ng mga awtoridad, agad nilang natukoy ang pagkakakilanlan ng naturang lalaki: si Police Cpl. Rocky Delos Reyes. 

Depensa ng pulis, isang wanted na suspek ang namataan niya at nakipagpalitan pa ng putok. Dagdag ni Delos Reyes, hindi raw nanggaling sa kaniya ang balang kumitil sa buhay ng bata. Hindi rin daw niya sinasadyang mabaril sa paa si Elsa.

Pinabulaanan ng ilang testigo ang salaysay ni Delos Reyes. Ayon sa kanila, walang naganap na engkuwentro sa kanilang lugar.

Sa cross-matching naman ng narekober na cartridge at slug, lumabas na tanging sa baril ni Delos Reyes nanggaling ang naturang mga ebidensiya.

Dahil dito, patong-patong na kasong murder, attempted murder at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isinampa sa pulis. 

"Sisiguraduhin natin na matatanggal siya sa serbisyo. Talagang nalulungkot tayo dahil 'yung namatay, wala namang kinalaman," pahayag ni Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office. 

Inihatid na sa huling hantungan ang biktima noong Martes. 

Nanindigan naman ang ina at lola ng bata na ipaglalaban nila ang hustisya para kay Gian.

"Gian, kung nasaan ka man, nandito ka man ngayon, kaya natin ito. Lalaban tayo. Hindi ako susuko. Kukuha tayo ng hustisya para sa'yo. Hindi ko kayang tanggapin na mabalewala ka," mensahe ng inang si Jessa sa napaslang na anak.

Mapapanood ang buong kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang “SOCO” sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.