Sapat na trabaho para sa ex-OFWs inihirit sa mga kandidato

ABS-CBN News

Posted at May 11 2019 07:45 PM | Updated as of May 12 2019 07:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pagbebenta ng baked goods ang raket ng dating overseas Filipino worker (OFW) na si Hazel Rosimo.

Halos isang dekadang nagtrabaho bilang household worker si Rosimo sa Saudi Arabia bago masagip sa pang-aabuso ng kaniyang amo at umuwi ng Pilipinas noong 2017.

"Hindi ko naranasan 'yong harassment dito, pero sa ibang bansa, sa kakapiranggot na kikitain mo, 'yon ang dadanasin mo,” aniya.

Pero sa kaniyang pag-uwi, bumalik pa rin ang problema nila sa pera kaya nakipag-sapalaran siya muli sa ibang bansa.

Pinalad si Rosimo sa kaniyang pangalawang subok sa pagiging OFW. Mabait ang kaniyang amo at itinuturing siyang pamilya.

Kaya lang, naging malalim ang epekto nito sa kaniyang anak na naiwan sa Pilipinas.

"Nagkaroon siya ng depression, na umabot sa punto na gusto niyang tapusin ang buhay niya. Masakit, kasi iniisip ko lang naman, para sa kabutihan niya, hindi na ako aalis ulit,” maluha-luhang kuwento ni Rosimo.

Ayon kay Alan Tanjusay, spokesperson ng Associated Labor Unions - Trade Union Congress Of The Philippines, napipilitan ang mga OFW na mangibang-bansa sa kakulangan ng trabaho at sahod sa Pinas.

Hindi rin umano permanente ang kanilang trabaho sa bansa, na isinisisi sa kawalan ng batas ukol sa security of tenure.

"Hindi mo maisip kung ano ang iyong kinabukasan kung ikaw ay walang security of tenure. Palipat-lipat ka ng trabaho,” ani Tanjusay.

Ito rin ang hinaing ng netizen na si Richard Grifon.

"Dahil walang oportunidad dito sa Pilipinas, mas titiisin na lang ng isang OFW ang manatili sa ibang bansa at kumayod," aniya.

Sang-ayon dito ang grupong Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa.

"Yung mga gagawa naman ng batas ay marami sa kanila ay may-ari naman ng mga negosyo na nakikinabang sa kasalukuyan,” ani Josua Mata, secretary-general ng grupo.

Aminado si Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi maaaring ipagbawal ang ilang anyo ng kontraktuwalisasyon hangga’t hindi naipapasa ang security of tenure bill.

"We are hoping that it should have been signed before the adjournment of the Congress kasi in time sana for the signing sa May 1 kaya lang kinapos siguro sa oras," ani Bello.

Ayon sa DOLE, aabot na umano sa halos 1 milyon ang na-regular nila sa pakikipag-ugnayan sa mga employer. Pero aminado ang kalihim na hindi nila kayang bigyan lahat ng trabaho.

Siniguro ni Bello na mayroong reintegration program para sa mga OFW na nais bumalik ng bansa.

Pero tingin ni Rosimo na hindi ito sapat.

"Sana sa darating na halalan, tuparin nila ang pinangako nilang trabaho para wala nang ina o amang umalis sa bansa para iwan ang kanilang anak," aniya.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.