PatrolPH

QC prosecutor patay sa pamamaril

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at May 11 2018 10:31 PM

MAYNILA—Patay ang isang city prosecutor matapos tambangan ng mga hindi pa kilalang salarin sa Barangay Holy Spirit, Quezon City Biyernes.

Kinilala ang biktima bilang si assistant city prosecutor Rogelio Velasco na naisugod pa sa ospital ngunit binawian din ng buhay.

Ayon kay Chief Supt. Joselito Esquivel, director ng QC Police District, idineklara ng East Avenue Medical Center alas-6:07 ng gabi na nasawi na si Velasco.

Sa kuha ng CCTV ng kalapit na establisyimento, makikita na naunang dumaan ang isang puting Toyota Innova at kasunod nito ang sasakyan ng biktima na pulang Innova. 

Huminto ang puting Innova at bumaba ang 3 hanggang 4 na sakay nito at pinagbabaril ang sasakyan ni Velasco. 

Bumaba pa ng sasakyan ang anak nito na si Vanessa at sinubukang lumapit sa mga gunmen pero napaatras ito at pumunta sa likod ng kanilang sasakyan. 

Matapos ang pamamaril ay muling sumakay sa puting Innova ang gunmen habang umabante pa ang pulang Innova hanggang sa muling makasay si Vanessa at pinahinto ang kanilang sasakyan.

Napag-alaman na patungo sana sa health center ng Barangay Holy Spirit sina Velasco para sunduin ang asawa nito.

Sa windshield ng driver side ang lahat ng tama ng baril.

Labing pitong basyo ng hindi pa matukoy na baril ang nakuha sa crime scene.

Patuloy na hinahanap ng mg awtoridad ang puting Innova na may plakang NXR 256.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.